5 SENADOR SUMUGOD SA SC

SINUGOD ng limang senador ang Supreme Court sa pangungana ni Senate President Vicente Sotto III upang humingi ng ruling kung may kapangyarihan ang Senado sa pagbasura ng anomang tratado tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Sa kanilang petisyon para sa declaratory relief at mandamus, hiniling ni Sotto, kasama sina Senador Ralph Recto, Juan Miguel Zubiri, Franklin Drilon, Richard Gordon at Panfilo Lacson na ideklara na ang anomang tratado na pinagtibay ng Senado ay dapat magkaroon ng concurrence ang Mataas na Kapulungan kapag ibinasura.

Anila, kailangan magpalabas ng kautusan ang SC na inaatasan ang respondents na magkaroon ng concurrence ang Senado sa Notice of Withdrawal alinsunod sa Section 21, Article VII ng 1987 Constitution.

Inihain ang petisyon isang buwan matapos ibasura ni Pangulong Duterte ang VFA dahil binawi ng US State Department ang visa ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Tinukoy na respondents sa petisyon ng mga senador sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.

“The petition seeks a definition of the “constitutional boundaries” of the powers of the Senate and the executive branch of government, and does not concern the VFA alone,” ayon kay Drilon.

Sinabi naman ni Sotto na iginigiit lamang sa petisyon ang kapangyarihan ng Senado sa pagbawi ng anomang  tratado.

“‘Yung ganitong klaseng kabigat na agreement na mahirap pasukan, napakahirap ng pagkakapasok dito, hindi pwedeng tapusin ‘to ng isang sulat lang. Hindi ganon kadali ang pananaw namin,” aniya. ESTONG REYES

197

Related posts

Leave a Comment