SURVEILLANCE TEAMS IKAKALAT NG DOH

KASUNOD ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19, nagpakalat pa ng mas maraming surveillance team ang Department of Health (DoH).

Siniguro ni Health Secretary Francisco Duque III na ginagawa ng kanilang ahensya ang lahat at nakipag-ugayan din sila sa PNP at iba pang ahensya ng gobyerno upang matunton ang kinaroroonan ng mga nakahalubilo ng apat na bagong pasyente ng naturang sakit.

Hinihikayat naman ng kalihim ang mga nagkaroon ng direct contact sa mga ito na makiisa sa mga surveillance team upang mapadali ang imbestigasyon at contact tracing.
Paalala pa ni Duque sa publiko na mayroong travel history sa ibang bansa at nakasalamuha ang mga taong nagpositibo sa sakit, kung makararanas ng sintomas ng COVID-19 ay tumawag sa kanilang hotline (02) 8-651-7800 loc 1149-1150 o di kaya ay makipag-ugnayan agad sa DOH. DAHLIA S. ANIN

3 NA SA QC
Nadagdagan pa ang bilang ng mga apektado ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Quezon City.

Ito ang ibinunyag kahapon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kung saan tatlo sa dalawampu’t apat na binabantayan ng Department of Health (DoH) ay mula sa lungsod ng Quezon.

“We have three cases here in Quezon City,” pahayag ni Belmonte sa isang panayam.

Ayon sa alkalde, isa sa tatlong pasyente na tinatawag na “patient 10” ay isang 57-anyos na lalaki na walang travel history.

“Nagsimula na kami ng intensive contact tracing sa kanya dahil maaga naming nalaman na meron siyang sakit. So far, ‘yung kanyang mga kasama sa tahanan ay na-swab na namin  at na-interview na rin namin. Wala silang mga sintomas pero isinumite natin ang kanilang mga sample sa RITM (Research Institute for Tropical Medicine),” sabi ng alkalde.

Isang pasyente naman ay nakatira sa isang condominium sa Timog Avenue.

Una nang sinabi ni Belmonte na nagsagawa na sila ng pagdi-disinfect sa naturang condominium building kasabay na rin ng isinasagawang pag-interview sa mga nakausap ng pasyente.

Ang ikatlong pasyente ay mula sa isang batch na unang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi na nasa 50 taong gulang at residente ng Project 6.

Nanggaling umano ito sa bansang Switzerland bago umuwi ng Pilipinas. JG TUMBADO

3 PULIS
Isinasailalim naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagsusuri ang tatlong pulis makaraang makitaan ng sintomas ng COVID-19.
Isa sa tatlong pulis ay kinilalang si PSSg Joey Patrick Jaurasa Abu na madalas umanong magtungo sa prayer hall sa Greenhills, San Juan City na pinanggalingan din ng ikaanim na biktima ng COVID 19.

Inatasan ng NCRPO si PSSgt Abu na sumailalim sa self/house quarantine sa pakikipagkoordinasyon sa RHS-NCR personnel para sa health monitoring.
Samantala, ang dalawa pang pulis na Person Under Monitoring (PUM) ay mula sa EPD na kinilalang si Fara Olivarez, nakatalaga sa Marikina CPS at Rosvel Rosales na nakadestino sa DHQ, EPD, at kapwa bumiyahe sa Japan bago nakitaan ng sintomas ng COVID-19. DAVE MEDINA

143

Related posts

Leave a Comment