PINAYUHAN ng Malakanyang ang mga may schedule ng kasal at binyag na pasok sa community quarantine period na ipagpaliban na muna ito.
Sa Laging Handa briefing sa New Executive Building (NEB), Malakanyang ay sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na mahigpit na ipatutupad ang mga hakbang ng gobyerno para maiwasang kumalat ang COVID-19 lalo na ang tinatawag na social distancing measure.
Hindi papayagan ang tinatawag na mass gathering o maramihang pagtitipon na karaniwang nangyayari kapag may kasalan o binyagan dahil maraming bisita.
Bagama’t nauunawaan nila ang concern ng mga magsing irog at walang makahahadlang sa usapin ng pagmamahalan, wala naman aniyang titibag sa pagmamahalang ito kung mauudlot lamang ng isang buwan.
Kaya ang panawagan ni CabSec Nograles sa mga mag-partner na nakatakda ang pagpapakasal o pagpapabinyag sa loob ng Marso 15 hanggang April 14 na ilipat na lamang muna ang petsa ng okasyon.
Subalit kung hindi naman aniya magpapapigil ang mga ikakasal o magpapabinyag, pwede naman itong ituloy nang hindi na kailangan pang mag-imbita ng sangkaterbang bisita, ang mahalaga ay ang mag-partner at ang sanggol na babasbasan ng pari, mga magulang at ilang mahal sa buhay at mga ninong at ninang.
Hindi naman masabi ni CabSec Nograles kung ilan ba ang pwedeng bisita o ilang indibidwal ba ang kailangan para matawag itong mass gathering.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, sa mga mag-partner na magpapasyang ipagpaliban ang kasal o sa mga magpapabinyag, kahit pa nakapagpa-book na sila sa mga hotel o restaurant para sa reception, pwede itong i-reschedule.
Kapag hindi pumayag ang establisimyento, pwede aniyang kasuhan ang mga ito dahil maituturing ang sitwasyon bilang force majure at susuportahan sila ng DTI sa paghahain ng kaso. CHRISTIAN DALE
332 