KASUNOD ng pagsasailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Metro Manila sa quarantine, iginiit ng mga mambabatas na seryosohin ang pagpapatupad ng price freeze lalo na sa mga palengke.
Ayon kay Quezon City Rep. Alfred Vargas, kailangang matutukan, hindi lang ang mga grocery kundi ang mga palengke upang masiguro na hindi magtataas ang mga negosyante lalo sa presyo ng pagkain.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos magpatupad ng 60-day price freeze ang Inter Agency Task Force na magpapatupad sa lockdown o pag-quarantine sa buong Metro Manila.
Ganito rin ang panawagan ni ACT party-list Rep. France Castro dahil karaniwang sinasamantala ng mga tiwaling negosyante ang mga ganitong emergency.
Sinabi ni Castro na walang ibang biktima ng mga tiwaling negosyante na magsasamantala kundi ang mga ordinaryong mamamayan na tiyak na mawawalan ng kita habang naka-quarantine ang buong Metro Manila hanggang Abril 14, 2020.
Kabilang sa mga produkto na hindi puwedeng itaas ang presyo ay mga delata, noodles, bottled water, bread, processed milk, kape, asukal, kandila, sabon panligo at panlaba, isda, itlog, karne ng baboy, baka, manok, mga gulay at prutas.
Kasabay nito, umapela rin ang mambabatas sa mga consumer na isumbong sa mga otoridad ang mga negosyanteng magtataas na presyo ng kanilang mga produkto. BERNARD TAGUINOD
285 