Gagamitin sa paglaban sa COVID-19 P2.5-B DONASYON NG PAGCOR

NAGKALOOB ng halos P2.5 bilyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) upang magamit ng pamahalaan sa programa kontra sa coronavirus disease.

Partikular na gagamitin ang nasabing halaga, ayon kay PAGCOR Chairman and CEO Andrea Domingo, sa pagbili ng personal protective equipment (PPE) ng healthcare
frontliners at panustos sa ibang gastusing may kinalaman sa pagsugpo sa nabanggit na sakit.

Bukod dito, matutugunan din sa nasabing halaga ang problema sa kakulangan sa pondo ng healthcare sector, partikular na ng mga kapos sa PPE, gamot, testing kits at iba pa.

Ayon pa kay Domingo, makatutulong ang donasyon ng PAGCOR na maproteksyunan ang mga healthcare worker na direktang nakakasalamuha ng mga COVID-19 patient upang patuloy nilang mapangalagaan ang kalusugan ng sambayanang Filipino.

Kasabay nito, pinapurihan at pinasalamatan ni Domingo ang lahat ng healthcare workers at iba pang frontliners sa kanilang dedikasyon sa pagsisilbi sa bayan. Tiniyak din nito ang patuloy na suporta ng PAGCOR sa pamahalaan sa pagharap sa krisis na ito. KIKO CUETO

124

Related posts

Leave a Comment