ILOILO City – Namatay ang isang barangay kagawad habang patay rin ang isa sa mga suspek na pinara sa ipinatutulad na enhanced community quarantine checkpoint, habang sugatan ang apat pang mga tanod, iniulat nitong Sabado ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang Napatay na si Kagawad Rex Dalmacio, 52-anyos, retired army, residente ng Brgy. Minoyan, Murcia, Iloilo City.
Namatay rin ang isa sa mga suspek na kinilalang si Jonel Cardinal, ng Sitio Antawan, Barangay Kanlandog, Murcia, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang kasamang nakatakas.
Nilalapatan naman ng lunas ang sugatang mga barangay tanod na kinilalang sina Samuel Siocon, Rommel Odane, Kent Canoy at Alex Elosorio, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Batay sa report ng Murcia PNP, dakong alas-11:00 ng gabi nitong Biyernes nang mangyari ang insidente sa Purok Uno ng naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon, dumaan si Cardinal sa lugar sakay ng motorsiklo, angkas ang isa pang suspek, dahilan para parahin sila ng biktima at kasamang mga tanod.
Hinanapan ng lisensya ni Dalmacio si Cardinal na siyang nagmamaneho ng motorsiklo at natuklasang nakainom ng alak ang mga ito kaya nagpasyang dalhin ang mga suspek sa himpilan ng pulisya.
Ilang minuto ang makalipas, pag-akyat ng mga tanod sa sasakyan, bigla na lamang umanong namaril ang kasama ni Cardinal at tinamaan sa Dalmacio dahilan para gumanti ito ng putok at tinamaan naman si Cardinal.
Kapwa napuruhan sina Dalmacio at Cardinal na nagresulta sa kanilang kamatayan habang nakatakas ang isa pang suspek.
Nagpapatuloy ang isinagawang follow-up operation ng pulisya para madakip ang tumakas na suspek. (ANNIE PINEDA)
205
