P.8-M SHABU NASABAT SA 2 TULAK 

BAGAMA’T ipinaiiral ang enhanced community quarantine, tuloy-tuloy pa rin ang kampanya laban sa illegal na droga na nagresulta sa pagkakasabat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa mahigit P800,000 halaga ng shabu sa dalawa umanong tulak sa San Andres Bukid, Manila noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga nadakip na sina Raniel Duaviz, alyas “Tutoy”, 23, at Teresa Martinez, alyas “Terry”, 56, kapwa residente ng #4102 J. Dela Cruz St., Brgy. Palanan, Makati City.

Batay sa ulat ng MPD-Sta. Ana Police Station 6, bandang 10:00 ng gabi nang ilatag ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team, sa panulukan ng Zobel at Perlita Streets sa Brgy. 781 sa San Andres Bukid.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang palibutan ng mga pulis matapos bentahan ng ilegal na droga ang poseur buyer.

Nakuha sa kanilang posesyon ang apat na zip locked plastic bags na naglalaman ng 126 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P856,000 at ang isang P500 marked money na gamit sa operasyon.

Ang dalawa ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila Prosecutor’s Office. (RENE CRISOSTOMO)

401

Related posts

Leave a Comment