SWAK sa kulungan ang isang lalaki nang makumpiskahan ng isang hindi lisensyadong baril habang gumagala sa Caloocan City noong Martes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Joel Rocapor, 40, ng 43 Barrio Sta. Rita South, Brgy. 188 Tala, nadakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4, matapos makipaghabulan dakong alas-10 ng gabi sa Barrio Sta Rita.
Sa ulat ng pulisya, may nagsumbong sa mga pulis hinggil sa isang lalaking gumagala sa naturang lugar habang may nakasukbit nabaril sa baywang.
Agad nagresponde sa lugar ang mga pulis at nang mapansin sila ng suspek ay nagtangkang tumakas.
Hinabol ito ng mga pulis at nang makorner ay nakuha sa suspek ang isang .38 kalibreng baril na kargado ng limang bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at Proclamation 929 (Declaring a State of Public Health Emergency). (ALAIN AJERO)
211 