MAGLALABAS ang gobyernong Duterte ng financial aid sa local government units para payagan ang mga opisyal nito na makatugon nang maayos sa coronavirus pandemic.
Ito ang nakasaad sa ikalawang bahagi ng report ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Kongreso.
Ang Department of Budget and Management ay magpapalabas ng “Bayanihan Grant to Cities and Municipalities” na makatutulong na pondohan ang ginagawa ng lokal na pamahalaan na paglaban sa COVID-19.
Ang ayuda ay may katumbas na isang buwan ng internal revenue allotment ng LGU na may kabuuang P30.824 billion.
Sa kabilang dako, sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na ginagawa na ng kanyang departamento ang guidelines o alituntunin sa layunin nitong magpalabas ng pondo bukas, araw ng Miyerkoles, Abril 8.
“It would be good for all local government units nationwide who are feeling the pressure of responding to their constituents. The national government has heard their concerns,” ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya.
May ilan namang lokal na opisyal ang nanawagan sa pamahalaan ng tulong dahil milyong Filipino na ang umaasa sa rasyon ng pagkain at relief goods bunsod ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Ang lockdown ay pinalawig ng hanggang Abril 30.
Samantala, ang Land Bank of the Philippines ay naglunsad naman ng kanilang P10-billion emergency loan assistance program para sa LGUs.
Ang loan ay naka-fix sa interest rate na 5 percent kada taon, payable naman ng maximum na limang taon at mayroong 1-year grace period sa principal payment.
Ang programa, ayon sa report ni Pangulong Duterte ay maaaring gamitin ng provincial, city, at municipal government para sa emergency funding para bumili ng goods o pagkain at makakuha ng serbisyo. CHRISTIAN DALE
