TALAGA bang mayroong mga taong sa halip ang isipin ay makatulong sa kinakaharap na krisis ngayon ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ay mas ninais pa na makapanggulo?
Isipin naman ninyo mga ka-SAKSI itong petisyon na inihain sa Korte Suprema ng isang nagngangalang Atty. Dino De Leon noong nakaraang Lunes ng hapon na humihiling sa Kataas-taasang Hukuman na atasan si Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang mga impormasyon ng kanyang pisikal na kondisyon nang maupo ito bilang presidente ng bansa.
Tanong lang kay Atty. De Leon, talaga bang napapanahon ang kanyang apila sa Korte Suprema?
Baka lang pwedeng maisantabi muna ang kanyang nais at isaalang-alang ang kinakaharap nating krisis ngayon na hinahanapan ng solusyon ng pangulo ng bansa dahil halos tatlong daang katao na ang namamatay dahil sa COVID-19.
Talaga bang kailangang-kailangan yang ginagawa niya? Ano yan papogi o pang-aasar dahil sa mayroong nasa likod niya upang umepal!!!
Ayan napagsabihan tuloy ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na magbasa-basa muna ng mga libreng legal materials upang maintindihan ang kanyang petition for mandamus na inihain sa Supreme Court.
Heto ang sinabi sa kanya ni Atty. Panelo, “Atty. De Leon, malinaw ang isinasaad sa Article VII, Section 12 ng 1987 constitution na kailangang impormahan ng pangulo ang publiko kung mayroon itong taglay na seryoso o malubhang karamdaman na sa tingin naman namin ay wala namang ganoong karamdaman ang Pangulong Digong dahil siya pa nga ang humaharap sa media upang ipaalam ang tunay na kalagayan ng ating bansa dahil sa COVID-19 at para sa kaalaman mo ay umaabot pa nga sila ng madaling araw sa pagpupulong upang makahanap ng lunas sa kinakaharap nating krisis.”
Para kay Atty. Panelo ay namali ng propesyon si Atty. De Leon. Dapat daw ay nagdoktor na lang ang nasabing manananggol upang mas patibayin ang kanyang haka-haka.
Hindi ba’t mas magandang gumawa na lang siya ng tama para mas makatulong sa ating mga kababayan na dumaraan sa matinding krisis?
Ilan pa kayang epal ang katulad ng abogadong ito na ang alam lang ay maging pasaway?
Maihahalintulad talaga siya sa mga pasaway na alam namang sumasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Luzon ay wala pa ring ginagawa kung hindi ang gumala nang gumala. Yantukin kaya para matauhan?
Gayahin na lang sana ang mga taong ang nais ay makatulong o maging bahagi ng solusyon sa problema kaysa madagdag sa problema tulad ng TZU-CHI Charity Foundation na malaki ang kagustuhang makatulong sa kinakaharap na krisis kaya namahagi ng libo-libong mga Personal Protective Equipment o PPEs sa mga ospital ng pamahalaan.
Sa mga ka-SAKSI, lagi po tayong makinig sa mga eksperto upang maging ligtas. Huwag pasaway at sumunod sa alituntuning ipinasusunod ng pamahalaan kaugnay sa ECQ. Ingat tayo palagi. BERT MOZO
276 