Doktor na pinaglamayan, COVID positive pala PELIGRO NG SABLAY NA RAPID TEST

BULACAN – Nabalot ng takot ang mga residente sa bayan ng Norzagaray sa lalawigang ito, makaraang mabatid na ang nasawing doktor na isang gabing ibinurol ay positibo pala sa coronavirus (COVID-19) disease.

Hindi akalain ng mga nakiramay sa isang gabing burol, maging ng anak at kamag-anakan mismo ng nasawing doktor na si Dr. Marianito Galicia, na ito ay positibo sa COVID-19 kaya naman nangangamba at matinding takot ang nararamdaman ng mga residente sa nasabing bayan.

Ayon sa source na ayaw ipabanggit ang pangalan, dapat umanong magsagawa nang mabilisang contact tracing ang provincial health office, lokal na mga opisyal ng Norzagaray makaraang mabatid na nagsagawa ng relief distribution ang isa sa mga anak ng nasawing COVID victim, na kasalukuyang kagawad sa nasabing bayan.

Base sa ipinalabas na official statement ng pamilya ng nasawi, sa pamamagitan ng social media account ni Norzagaray Mayor Alfredo Germar, Abril 10 nang dalhin ang biktima sa Bulacan Medical Mission Group (BMMG) Hospital sa Bocaue at idineklarang dead on arrival.

Dahil sa isa ring doktor ang anak ng biktima na si Dr. Bobby Galicia at upang makasiguro sa dahilan ng pagkamatay, ay minabuti nito na ipa-test ang dugo ng nasawing ama sa pamamagitan ng COVID-19 IgG/IgM Rapid Test na negatibo ang lumabas na resulta.

Nabatid na ang COVID-19 IgG/IgM Rapid Test ay ginagamit ng mga pribadong indibidwal at mga opisyal ng gobyerno bilang alternatibo sa matagal na resulta ng PCR Test na ginagamit ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Ayon pa sa anak, bagama’t negatibo sa Rapid Test at hindi naman required sumailalim sa naturang pagsusuri dahil hindi naman aniya COVID suspect o person under investigation (PUI) ang kanyang ama, ay isinailalim pa rin niya ito ng PCR Test.

Nang gabi rin iyon, nabatid na ibinurol ang nasawing doktor ng isang gabi at kinabukasan ay pinagpamisahan sa simbahan at saka inihatid sa huling hantungan kung saan marami ang nakipaglibing.

Nabatid na nito lamang Abril 16 (Huwebes) nang lumabas ang resulta mula sa RITM at nabatid na COVID-19 ang sanhi ng pagkamatay ng biktima na labis na ikinagulat ng pamilya nito.

Napag-alaman, bago nadala sa ospital ang biktima ay marami itong nakasalamuha dahil isa itong frontliner bilang doktor.

Nabatid pa na noong Abril 10 bandang hapon hanggang gabi bago namatay ay napakasigla at nakakausap pa nila ang kanilang ama.

Nanawagan ang pamilya Galicia sa sino mang nakasalamuha ng kanilang ama mula Marso 29 hanggang Abril 10, na agad makipag-ugnayan sa municipal health office o sa alin mang hospital upang magpatingin at sumailalim sa home quarantine bilang persons under investigation.

Umapela naman si Mayor Germar sa kanyang mga kababayan na huwag mag-panic dahil ginagawa ng pamahalaang lokal ang mga nararapat gawin, katuwang ang provincial at municipal health office ng DOH.

Takot at galit ang reaksyon ng mamamayan ng Norzagaray sa nangyari dahil sa kabila ng mga alituntunin sa ilalim ng enhanced community quarantine ay nagawa pa umanong iburol at ipagpamisa ang naturang COVID positive na doktor. (ELOISA SILVERIO)

889

Related posts

Leave a Comment