BINALAAN kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahihirap na pamilya na huwag ibenta o ipa-xerox ang Social Amelioration Program (SAP) Card dahil labag ito sa “Bayanihan to Heal as One” Law.
Ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya, maaari silang sampahan ng kaukulang kaso kapag ipinagbili o ipinakopya ang SAP Card, sa pamamagitan ng xerox at ibang paraan.
“[Pr]e-numbered and barcoded by the Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang SAP Card,” banggit ni Malaya.
“Nais ng gobyerno na mabilis na maipaabot ang pinansyal na ayuda sa mahihirap sa gitna ng COVID-19 crisis pero binabalaan po ang publiko laban sa pekeng social amelioration forms. Hindi ito for sale at lalong hindi for reproduction maging ng LGUs o sinomang indibidwal o grupo,” diin ng opisyal.
Ang SAP Card ay siyang ipinamamahagi ng DSWD, sa tulong ng mahigit 42,000 barangay sa bansa, upang mabigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda kada buwan ang bawat mahihirap na pamilya sa bansa sa loob ng dalawang buwan sa panahong maraming nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan dulot ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Ang nasabing ayuda ay nakapaloob sa SAP na itinakda ng Bayanihan Law o Republic Act No. 11469 na ipinasa ng Kongreso at nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 24.
Nakasaad din sa Bayanihan Law na P275 bilyon ang nakalaang pera upang tulungan ang 18 milyong mga mahihirap na pamilya at sugpuin ang COVID – 19.
Umabot pa lamang sa higit P16 bilyon ang ibinigay ng DSWD sa 3.7 milyong “household” (kabahayan) kung saan ang mga ito ay pawang kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Kaya, namamahagi ng SAP Card ang DSWD upang makumpleto ang 18 milyong mahihirap na mabigyan ng P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan. NELSON S. BADILLA
153 