MALASAKIT NG MGA HOSPITAL KAILAN MARARAMDAMAN?

NAKITA natin kung gaano kapursigido ang mga tao na tumulong sa kanilang kapwa para matulungan ang frontliners sa giyerang ito laban sa hindi nakikitang kalaban – ang coronavirus disease 2019  o COVID-19 na nagsimula sa China.

Lahat tumutulong lalo na sa frontliners para proteksyunan ang mga ito sa virus sa pamamagitan nang pagbibigay ng libreng personal protection equipments (PPEs) kasama na ang government at private hospitals.

Pero parang hindi naman nararamdaman ang malasakit ng mga may-ari ng mga pribadong pagamutan dahil kung pagbabasehan ang mga report, napakalaki ang kanilang sinisingil sa kanilang mga pasyente ng COVID-19.

May isang pasyente na ang hospital bill daw ay P1.1 milyon sa 18 araw na paggagamot sa kanya at may nagsasabi pa ng maliit pa ito dahil ang tinatayang ginagastos ng isang pasyente ng COVID-19 ay aabot daw sa hanggang P3 milyon.

Lahat ng ginagamit sa mga pasyente at medical staff tulad ng face masks, gloves at iba pang uri ng PPEs ay inilalagay sa bill ng pasyente na kanilang babayaran, patay man o gumaling sa kanilang karamdaman.

Walang kasalanan ang frontliners o ang mga doctor, nurse, radtech, medtech at iba pang medical practioners sa napakataas na bayarin sa mga hospital lalo na sa mga private hospital. Paglilinaw lang ha?

Nasa pamunuan ng mga private hospital ang pasya kung magkano ang sinisingil sa isang pasyente, may COVID-19 man yan o karaniwang sakit at walang alam ang medical practioners.

Sa panahong ito, dapat siguro magpakita naman ng malasakit ang mga may-ari at opisyales ng mga private hospital na baka naman puwedeng bawasan ang karaniwang ikinakargang bayarin ng mga pasyente.

Konting malakasit lang para hindi naman madagdagan ang alalahanin ng pamilya ng mga pasyente o ng pasyente mismo kapag nagpapagamot sa kanilang karamdaman sa mga pribadong pagamutan.

May isang senador noon ang nagsabi na muntik na siyang himatayin sa kanyang hospital bill nang maoperahan siya. Kung ang isang senador na sumasahod ng halos P300,000 kada buwan ay nahihimatay sa hospital bill, paano na lang ang mga karaniwang mamamayan?

Kaya sa mga private hospital pumupunta ang mga tao dahil alam nilang mas maasikaso sila ng mga doctor kumpara sa mga government hospital na limitado ang mga tauhan at marami ang kulang pa sa kagamitan.

Pero huwag naman samantalahin ng mga private hospital ang pagtitiwala ng mga tao sa kanila dahil tulad ng mga doctor, responsibilidad din ng may-ari ng mga pagamutang ito na magligtas ng buhay.

Alam naming negosyo ang kalusugan ng mga tao sa private sector, alam namin na kailangang kumita ang mga pribadong pagamutan para may pampasuweldo sila sa kanilang mga medical staff pero huwag naman sanang sobra. Konting malasakit lang ang hinihingi ng mga tao.

 

334

Related posts

Leave a Comment