NILINAW ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na walang interes ang lahat ng loan habang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19.
Ayon kay Chuchi Fonacier, Deputy Governor ng BSP, inatasan ng Office of the President ang Department of Finance na maglabas ng Implementing Rules and Regulation (IRR) kaugnay sa ‘Bayanihan to Heal as One Act’ (Republic Act No. 11469).
Ayon kay Fonacier, ang IRR ay in-adopt ng BSP na binibigyan ng initial 30-day grace period ang pagbabayad ng lahat ng loans. Ang grace period ay mula Abril 1 hanggang 30.
Ang ECQ ay pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang Abril 30, mula sa orihinal nitong plano na Abril 12.
Dahil dito, muli ring pinalawig ang grace period ng BSP para sa pagbabayad ng lahat ng loans.
Kung dati ay 30-day period lang mula noong Abril 1 hanggang 30 ay dadagdagan ito ng 15-day para umabot ng 45 days grace period.
Ayon pa sa opisyal ng BSP, hindi maaaring magpataw ng anomang interes ang mga bangko, pawnshop at iba pang financial institutions sa kanilang mga kostumer.
Kasabay nito, nilinaw ni Fonacier na ang bayarin sa 45-day grace period na hindi nabayaran sa loan ay maaaring isama sa kanilang bayarin pagkatapos ng ECQ sa loob ng apat (4) hanggang anim (6) na buwan.
Marso 16, 2020 nang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa community quarantine. JOEL O. AMONGO
276 