MALAKANYANG NAKIKIDALAMHATI SA PAGPANAW NI DATING SENADOR ALVAREZ

NAGPAABOT ng pakikiramay ang Malakanyang sa pamilya ni Environmentalist at dating senador at DENR Secretary Heherson Alvarez na pumanaw matapos ang ilang linggong pakikibaka sa Coronavirus Disease o COVID-19.

“We pray that the perpetual light will shine upon Senator Sonny, and that his soul, through the mercy of the Almighty, may rest in eternal peace,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque. “The Palace expresses its deep condolences to the family, led by his wife Cecile, friends, colleagues of Senator Heherson “Sonny” Alvarez.”

Matatandaang unang kinumpirma ng kanyang panganay na anak na si dating Santiago City Councilor Hexilon Alvarez na na-admit at na-intubate ang kanyang ama kasama ang kanilang ina na si Gng. Cecile Guidote Alvarez noong March 30, 2020 sa Manila Doctors Hospital matapos silang magpositibo sa COVID-19.

Hindi na naka-intubate si Gng. Alvarez ngunit nanatiling nasa critical na kondisyon si dating Senador Alvarez sa Intensive Care Unit (ICU) ng ospital bago siya pumanaw.

Ang pagyao ni dating Senador Alvarez ay kinumpirma ng malapit sa kanya na si Isabela Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano na dati niyang staff sa Senado at sa DENR.

Si Alvarez na sumakabilang buhay sa edad na 81 ay nagtapos ng kursong Liberal arts sa University of the Philippines (UP) at kumuha ng master’s degree sa Economics and Public Administration sa Harvard University sa Estados Unidos.

Siya ay isinilang sa Santiago City noong October 16, 1939 at nahalal na kauna- unahang senador mula sa Isabela noong 1987.

Naging congressman din siya ng 4th District ng Isabela at naging Presidential Adviser on Global Warming and Climate Change at founder ng Earth Savers Movement Incorporated.

Bukod sa pagiging DENR secretary ay naging Kalihim din si Alvarez ng Department of Agrariar Reform (DAR).

Nahalal siyang pinakabatang delegate sa Constitutional Convention noong 1971. CHRISTIAN DALE

176

Related posts

Leave a Comment