SINAMPAHAN na ng kaso ang anim na kasapi ng grupong Anakpawis gayundin ang dating kinatawan nito sa Kongreso dahil sa paglabag sa umiiral na enhanced community quarantine matapos silang maharang sa checkpoint sa Bulacan nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa Department of Interior ang Local Government (DILG), malinaw na labag sa quarantine law ang ginawang relief operation ng grupo sa Brgy. Bigte, bayan ng Norzagaray.
Sa Laging Handa Public briefing ay sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na unauthorized ang ginawa ng Anakpawis na kung saan ay kitang-kita naman aniya ang motibo ng grupo.
Ayon kay Usec. Malaya, malinaw na ang target ng kilusan ay magsagawa ng mass gathering at hindi relief operation base sa mga nadiskubreng propaganda materials sa gamit nilang sasakyan.
Kuwestiyonable rin aniya ang sinasabing relief operation dahil walang katibayan na naipakita ang grupo na nabigyan sila ng otorisasyon ng LGU o IATF para makapagsagawa ng gayung aktibidad.
“Breaking the Quarantine rules is breaking the law. ‘Wag po tayong pasaway. You are only allowed to go out of residence to buy food, medicines or for medical emergencies. By doing this obvious propaganda stunt, Anakpawis has placed the lives of the people of Bulacan at risk. Wala pong pinipili ang COVID-19. Mayaman man o mahirap,” ayon pa kay Usec. Malaya.
Sa ulat mula kay PCol. Lawrence Cajipe, Bulacan Police director, hindi pinalusot sa checkpoint ang mga Anakpawis member na sina Karl Mae San Juan, 29; Marlon Lester Gueta, 26, ng Ba; Robero Medel, 52; Eriberto Peña Jr., 60; Raymar Guaves, 21, at Tobi Estrada, 22, dahil sa kawalan ng quarantine pass.
Ayon pa kay Malaya, ang naturang grupo ay gustong dumaan sa PNP checkpoints sa pamamagitan ng paglalagay ng hindi awtorisadong food pass sa windshield ng kanilang ginamit na jeep na nilagyan din ng tarpaulin na nagsasaad ng “SAGIP KANAYUNAN AND TULONG ANAKPAWIS”.
Bandang ala-1:00 ng hapon ay dumating sa himpilan ng pulisya si former Anakpawis party-list Representative Ariel Barring Casilao at sinabing sasamahan niya ang mga nakalabosong miyembro.
Naniniwala naman si Police Regional Office 3 (PRO3) director PBGen. Rhodel Sermonia na sa ganitong panahon na may COVID-19 pandemic ay kailangan manaig ang Bayanihan.
“It should be without malice instead it must be done in the true spirit of nationalism and patriotism. The PNP despite its multi-tasking efforts in the fight against this pandemic will remain vigilant and relentless in the campaign against terrorism,” ayon kay Sermonia. CHRISTIAN DALE, ELOISA SILVERIO
205 