‘NEW NORMAL’ BILL IHAHAIN SA SENADO

IHAHAIN ni Senador Manny Pacquiao ang isang “New Normal” Bill na magsisilbing gabay sa pag-uugali at pagtatakda ng ilang listahan ng distancing protocols habang wala pang natutuklasang gamot laban sa corona virus 2019 (COVID-19).

Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni Pacquiao na kailangan makalikha ang bansa ng bagong pamantayan sa hygiene at social distancing protocols na mahigpit na ipatutupad upang maprotektahan ang buhay dahil hindi magbabalik ang dating normal kung wala pang gamot vs COVID-19.

“Nakakalungkot mang isipin ngunit kailangan talaga nating magkaroon ng panibagong patakaran sa ating pakikisalamuha kung sakaling mawala na itong ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ),” ayon sa senador.

“Hangga’t hindi natin natatagpuan ang tamang gamot laban sa COVID-19 ay hinding- hindi babalik sa normal ang ating pamumuhay at wala tayong ibang maaaring sandata kundi ang tamang pag-iingat,” dagdag niya.

Sinabi ni Pacquiao na kabilang sa ipatutupad sa bansa ang ugaling ojigi, isang estilo ng pagyuko sa Japan at pagkaway dahil pansamantalang paiiwasan ang batian tulad ng kamayan, “beso-beso,” yakapan at paghalik sa publiko kahit inalis na ang enhanced community quarantine (ECQ).

Aniya, magkakaroon din ng pagbabago sa pagnenegosyo upang maiwasan kundi man masugpo ang pagkakalat ng virus tulad sa retailing at food trade.

Ipinanukala rin ni Pacquiao na ipagpatuloy ang pinaiiral na social distancing sa loob ng mga supermarket kapag binawi ang ECQ upang maiwasan ang pisikal na kontak na maaaring pagmulan ng panibagong pagkakalat ng sakit.

Aniya, dapat baguhin din ang lumang pagkilos sa loob ng supermarket upang gamitin ang panibagong hamon na idinulot ng pandemic.

Sinabi pa ng senador na dapat limitahan ang oras ng pamimili.

“Magiging new normal na rin ang online shopping upang mabawasan ang banta ng panibagong pandemic,” giit ni Pacquiao.

Hinikayat din ng panukala na magpatupad ng mas matingkad na social distancing at hygiene measure sa lahat ng restoran, kainan at iba pang tindahan ng pagkain upang maiwasan ang physical contact sa mga customer at maiwasang masira ang pagkain.

Ipagbabawal din sa batas ang live audience sa mga concert, parties, basketball at football games at boksing na puwedeng mapanood ng live.

Ipatutupad din ang bagong protocol sa pagsasagawa ng gawain sa mga Simbahan upang maiwasan ang physical contant ng churchgoers.

Kailangan mayroon sapat na bote ng alcohol o hand sanitizers at sabon ang lahat ng public comfort rooms kabilang sa mga hotel, restoran, gasolinahan at katulad na pasilidad.

“In short, itong social distancing ang magiging new normal sa panahon ng COVID-19…I think we cannot enforce this properly without the force of law,” paliwanag ni Pacquiao. ESTONG REYES

158

Related posts

Leave a Comment