IMINUNGKAHI ni Senador Kiko Pangilinan na gamitin ang mga telecommunication company sa pamamahagi ng cash assistance sa mga apektado ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.
Inirekomenda ni Pangilinan kay Health Secretary Francisco Duque, chair ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na gamitin ang serbisyo ng mga telco para sa money transfers.
“Nauunawaan natin ang hirap na kinakaharap ng pamahalaan sa pag-distribute ng emergency cash assistance. Ito’ng minumungkahi naming alternatibong paraan ay para mabilis na makaabot ang tulong sa mahihirap at gutom,” saad ni Pangilinan.
Maaari anyang hingin ng gobyerno sa mga telco ang listahan ng mga subscriber gayundin ang kanilang average daily load at consumption kada buwan.
Magagamit din anya ang mga mobile money transfer option para sa pamamahagi ng tulong tulad ng GCash at Smart Padala.
“Hindi perpekto ang sistemang ito — ang ilang pamilya ay maaaring walang telepono o ilang pamilya ay merong dalawang numero ng telepono — pero habang tumatagal ang paglabas ng listahan ng bibigyan ng ayuda, lalong dumadami ang nagugutom. Baka pwedeng pag-aralan ang ating suggestion,” diin pa ng senador. DANG SAMSON-GARCIA
165 