LGUs, WALA RING LISTAHAN NG MGA MAHIHIRAP  

Badilla Ngayon

SA P275 bilyong itinakda ng bagong batas na “Bayanihan to Heal as One,” P205 bilyon na ang inihatag ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 18 milyong mga mahihirap na pamilya sa buong bansa.

Bawat pamilya sa 18 milyong mahihirap at hindi kabahayan o “household” ang bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 bawat isang buwan sa loob ng dalawang buwan (Abril at Mayo).

Ito ang nakasaad na nilalaman ng Social Amelioration Program (SAP) sa Bayanihan Law.

Mahalaga po ang nasabing probisyon sa batas, sapagkat eksaktong iniutos ng Bayanihan Act ang eksaktong bilang ng mga mahihirap na pamilyang Filipino kung saan dapat makarating ang P200 bilyong perang ibibigay ng pamahalan sa mga mahihirap na tao.

Ang katotohanan kung bakit hindi bahay ang tinukoy o binilang na 18 milyong benepisyaryo ng SAP, sapagkat sa Pilipinas ay maraming kabahayan na lampas isang pamilya ang nakatira kung saan kahirapan o walang kakayahang mangupahan ng higit P3,000 kada buwan ang pangunahing dahilan ng kanilang pagsasama sa isang bahay.

Bihirang pananabik sa isa’t isa ng bawat pamilya ng mga magkakapatid ang dahilan ng kanilang pagsama-sama sa iisang bahay-paupahan, kahit mayroong konseptong “expanded family” sa Pilipinas.

Kahit ang National Economic and Development Authority (NEDA) ay pamilya ang ginagamit at hindi bahay kapag pinag-uusapan ang mga mahihirap o pag-angat sa buhay ng mga dukha.

DSWD lang ang alam kong gumagamit ng konseptong bahay sa pagtulong at pag-alalay sa mga mahihirap hanggang makaahon sa kahirapan.

Hindi ko maintindihan kung bakit bahay hanggang ngayong 2020, sa halip na pamilya, ang binibilang ng DSWD kapag inaalam ang bilang ng mga mahihirap.

Noong Nobyembre 1, 1939 pa ‘ipinanganak’ ang DSWD, ngunit hindi maarok ng isipan ko kung bakit tuwang-tuwa at nakukyutan  hanggang ngayon ang kagawarang ito sa konsepto ng bahay.

Dahil sa ganitong pagbibilang ng mahihirap, 3.7 milyong kabahayan ang inisyal na bilang ng nabigyan ng DSWD ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda mula sa SAP para ngayong Abril.

Mahigit P16 bilyon ang inilabas ng DSWD para sa 3.7 milyong kabahayan na pawang kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa 3.7 milyong kabahayan, walang nakakaalam kung ilang milyong pamilya ang eksaktong kabilang sa mga bahay ng mga mahihirap, kahit si DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista.

Dahil walang opisyal na listahan ng mga pinakamahihirap na pamilyang Filipino ang DSWD, nagsimulang mamigay ang mga kawani ng DSWD sa lahat ng panig ng bansa, katuwang ang mahigit 42,000 barangay, ng SAP Card upang mapunuan ang 18 milyong pamilyang benepisyari ng P205 bilyong SAP fund, sapagkat wala ring opisyal na listahan ng mga pinakamahihirap na pamilya ang local government units (LGUs).

Pokaragat na ‘yan!

Bigyan ko kayo ng ilang nakadidismayang pangyayari nang magtungo ang mga taga-DSWD sa mga pamayanan ilang araw na ang nakalipas.

Sa Dagupan City, hindi nabigyan ng SAP Card ang isang pamilya (mag-asawa at ilang buwang sanggol) dahil nakatira sila sa malaking bahay.

Natigil sa trabaho ang lalaki dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, kaya wala siyang sahod.

Ang asawa niya ay wala talagang trabaho kahit noong wala pang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.

At nakikitira lang sila sa bahay ng magulang ng lalaki dahil hindi pa nila kayang mangupahan.
Iyong napakaraming pamilya ng malilit na mga mangingisda sa Dagupan ay hindi pa rin nabigyan ng SAP Card.

Tumigil sila sa pangingisda dahil hinuhuli sila ng operatiba ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ngayong umiiral ang ECQ kung saan P2 milyon kada bangka ang multa sa paglabag sa Republic Act No. 10654.

Nakarating din sa akin ang isang nakadidismayang pangyayari mula sa Leyte.

Sa ilang barangay sa bayan ng Tanauan, kinuha pa lamang ng mga taga-DSWD ang mga pangalan ng mga pamilya sa bawat bahay.

Aalamin pa raw kung sinu-sino ang mahihirap sa kanila bago sila bigyan ng SAP Card upang makatanggap ng ayudang nakasaad sa SAP.

Pokaragat na ‘yan!

Iyan ang nangyayari at mangyayari, sapagkat walang opisyal na listahan ng mga mahihirap ang DSWD, tapos wala rin ang LGUs. NELSON BADILLA

 

210

Related posts

Leave a Comment