KUNG sa pag-aaral ng Duterte Administration na dapat ay magkaroon na lamang ng mga piling lugar na isailalim sa total lockdown aba’y mas mainam na hakbang ito.
Sabagay nga kung a ting susuriin ang nangyari sa bansang China, tanging ang mga lugar lamang naman na mayroong grabeng kontaminasyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang kanilang isinailalim sa total lockdown kung saan ay nagtagumpay silang pigilan ang pagkalat ng virus iba pang mga lugar sa China.
Maaari ngang gawin ni Pangulong Duterte ang kaparehong hakbang ng China upang makakilos naman at gumana ang ekonomiya ng Pilipinas sa ibang lugar na wala namang kontaminasyon ng coronavirus.
Kaya lamang dapat ring siguraduhin ni Pangulong Duterte na talagang mahigpit na ang pagtalima ng mga residente sa mga lugar na mayroong deklarasyon ng total lockdown.
Dapat ay ipatupad na ang sinasabing kamay na bakal ng pamahalaan laban sa mga pasaway.
Dahil kung hindi maipapatupad, maaaring mangyari ang pinapangambahang second wave ng pandemya at baka hindi na kayanin ng gobyerno na matugunan pa ang mga pangangailan upang labanan ang hindi nakikitang kalaban.
Batid naman po natin na marami sa ating mga kababayan ang nuknukan ng mga pasaway at binabastos pa nga ang mga awtoridad na nagpapaimplementa ng mga alituntunin ng enhance community quarantine (ECQ).
Sa press briefing kahapon ni Presidential Spokeperson Atty. Harry Roque, sinabi niyang kung pagbabatayan ang mga rekomendasyon ng mga health expert noong Lunes sa pakikipagpulong kay Pangulong Duterte, nais nilang maipahinga muna ang ECQ sa ilang lugar ng bansa na napakaliit ng bilang nang nagpositibo sa coronavirus subalit tuloy at mas mahigpit pang ipatupad doon sa mga lugar na mayroong mataas na bilang ng pandemic na virus.
Ayon kay Atty Roque, kung susundan ang rekomendasyon ng mga eksperto kay Pangulong Duterte sa kanilang meeting noong Lunes ay mananatili ang ECQ sa National Capital Region, Cebu at Davao dahil sa mataas na bilang ng nagpositibo sa COVID-19 at sa ilang lugar sa Cavite, Batangas, Laguna, Rizal, Quezon at Bulacan.
Kaya po mga ka-SAKSI, manatili na lang po muna kayo sa inyo-inyong mga tahanan upang ligtas kayo at hindi mahawaan ng nakakamatay na sakit na COVID-19.
Samantala, papuri sa lahat ng frontliners. Mabuhay kayo at salamat sa inyong malasakit. BERT MOZO
151 