TINATAYANG 150 sundalo ang magbabantay sa loob ng 48-oras na hard lockdown na iiral sa Sampaloc, Manila simula alas-8:00 ng gabi ng Huwebes hanggang alas-8:00 ng gabi sa Sabado, Abril 25.
Ang mga sundalo ay makakasama ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at barangay sa pagbabantay at panghuhuli ng mga pasaway.
Ang hard lockdown ay ipatutupad para bigyan daan ang surveillance, testing at swabbing ng mga residenteng pinaghihinalaang apektado ng COVID-19.
Ito ay makaraang iulat na ang Sampaloc District ang may pinakamaraming bilang ng mga nagpositibo sa nasabing virus.
Una nang nilagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order 21 para sa ipatutupad na lockdown sa Sampaloc.
Ayon kay Moreno, apat na covered court ang inihanda ng pamahalaang lokal para pagdalhan sa mga mahuhuling lalabas sa gitna ng ipinatutupad na “hard lock down” sa mga barangay 146, 420, 424, 405.
Sa panahon ng lockdown, sususpendihin muna ang quarantine pass ID, lahat ng commercial, industrial at iba pang aktibidad sa nabanggit na lugar.
Ang mga itinuturing lamang na frontliners ang papayagan na lumabas sa lansangan. RENE CRISOSTOMO
182 