UMAABOT sa halos 4,000 kwalipikadong pamilya sa Las Pinas City ang nakatanggap ng tig-P8,000 cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong panahon ng krisis dulot ng COVID-19.
Ayon kay City Social Welfare and Development Office (CSWDO) Chief Junet Barilla, simula nang mag-umpisa sila ng pagbibigay noong Abril 15 ay nasa limang barangay na kinabibilangan ng mga benepisyaryo mula sa Ilaya, Pulang Lupa Dos, CAA, Talon 3 at Almanza Dos na ang kanilang nabigyan ng cash aid.
Isinumite na rin ni Barilla sa DSWD ang listahan ng mga pangalan ng mga kwalipikadong pamilya na nakatanggap na ng SAP cash aid.
“Ang pondong P541,904,000.00 para sa 67,738 kwalipikadong pamilya ay galing po sa DSWD national office at ipinadaan lamang sa City Treasury Office na subject for auditing procedure kaya hindi maaaring mangyari na maibubulsa ng LGU ang pera,” sabi ni Chief Barilla.
Idinagdag pa ng Hepe na kasalukuyang nagsasagawa ng validation kasabay ng pamamahagi ng SAC form sa mga kwalipikadong pamilya sa 15 pang barangay sa lungsod.
Aminado si Barilla na hindi na nila mababantayan ang mga pamilyang nakatanggap ng ayuda ng ahensya kaya nakiusap siyang gamitin ang pera sa pamilya at sa kabutihan sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Tiniyak ni Barilla na pupuntahan sa kanilang bahay ang mga benepisyaryo para sa validation bago ang pagbibigay ng cash aid o payout. DAVE MEDINA
187 