KUNG mayroong masakit na katotohanan sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan sa gitna ng ECQ o enhance community quarantine season ay ang pagkakabaon nila sa utang.
Maraming taga-Metro Manila ang nagpapasaklolo sa kanilang mga kaanak sa probinsya at umuutang para may pantustos sila sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan dahil wala silang hanapbuhay.
Tanggapin na natin ang katotohanan, hindi kasya ang cash assistance ng Social Amelioration Program (SAP) at hindi naman lahat ay nakakatanggap ng tulong na ito kaya ang solusyon, mangutang sa mga kamag-anak na medyo nakakaangat sa buhay.
Kahit ang relief operations ng mga barangay at local government unit ay parang minsanan lang at kung dito lang aasa ang mga tao ay talagang magugutom ang kanilang pamilya.
Season 6 na ang ECQ dahil 6 na linggo na ito at mayroon pang natitirang 2 season dahil hanggang Mayo 15 pa ito lalo na sa Metro Manila, Central Luzon, Southern Luzon at iba pang high risk areas na may mataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pilit pinagkakasya ng mga tao ang kanilang natanggap na tulong pero talagang hindi kayang banatin hanggang matapos ang ECQ season kaya ang solusyon ay mangutang sa mga kaanak na nasa probinsya.
Okey lang sa mga maykaya sa buhay at tuloy ang sahod lalo na ang government employees pero yung mga taong arawan ang trabaho at walang sahod kung hindi magtratrabaho ay talagang walang ibang opsyon kundi mangutang.
Hindi naman kasi nakatanggap ng tulong sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang halos lahat ng mga no-work, no pay employees lalo na kung may labor violations ang kanilang mga employers o hindi sumusunod sa minimum wage law.
Natatakot lang ang karamihan sa mga ito na lalo silang mababaon sa utang pagkatapos ng ECQ season. May mga utang na sila dati at nadagdagan pa ngayon kaya lalong hindi sila makakabangon.
Pero ang nakakatakot ay ang pagkakabaon sa utang ng gobyerno para pondohan ang pangangailangan sa giyera kontra COVID-19 lalo na ngayong walang makolektang buwis.
Tulad ng mga ordinaryong mamamayan na walang pagkukunan, napipilitan ang gobyerno na tanggapin ang boluntaryong pautang ng mga international institution sa mga bansang apektado tulad ng Pilipinas sa COVID-19 na nagmula sa china.
Nakakatakot dahil lampas na ng P8.1 trillion ang utang ng gobyerno natin sa international at local lenders at lolobo pa ito dahil sa problemang ito na nagsimula sa Wuhan City at hindi agad kinontrol ng China.
Doble ang halagang ito sa P4.1 trillion na pambansang pondo natin ngayong 2020. Ibig sabihin, mas malaki ang utang natin kumpara sa ginagastos natin. Parang mga tao lang…mas malaki ang utang kesa sa inaasahang kita.
At kung 110 milyon ang Filipino ngayon, ang utang ng bawat isa sa atin ay P80,000 at palaki nang palaki pa ito dahil taon-taon ay kailangang mangutang ang gobyerno para takpan ang kakulangang hindi kayang takpan ng buwis na binabayaran natin.Lord Bahala na Po Kayo.
