MAHIHIRAP NA PINOY NADAGDAGAN NG 16M

KUNG dati ay 5.4 milyong pamilya lang ang itinuturing na mahirap sa bansa, ngayon ay umaabot na ito ng 20 milyon pamilya o nadagdagan ng mahigit 16 milyon dahil sa coronavirus disease-2019.

Sa virtual hearing ng House Defeat Covid-19 committee na pinamumunuan ni House majority leader Martin Romualdez, sinabi ni Leyte Rep. Lucy Torres Gomez na nadagdagan ng mahigit 16 milyon pamilya ang mahirap ngayon na tinawag niyang “newly poor families”.

Ayon sa lady solon, bago ang COVID-19 pandemic, tanging ang pamilyang miyembro ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang itinuturing na mahirap kaya binibigyan sila ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kada buwan.

Gayunpaman, dahil sa COVID-19, 37% o katumbas ng 9 milyon pamilyang Filipino na nasa low income bracket at 26% o 6.4 million na nasa lower income bracket ang nawalan ng kita.

Dahil dito, hiniling ng mambabatas sa DSWD na i-relax ang requirement sa 4Ps at isama na ang mga bagong mahihirap na pamilya sa bigyan ng buwanang ayuda habang hindi nakakabangon ang mga ito. BERNARD TAGUINOD

300

Related posts

Leave a Comment