HINDI magandang ehemplo ang ginawa ni Mocha Uson na sa kabila nang bawal ang pagtitipon bunga nang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ay nagawa pa rin niyang dumalo sa pagtitipon ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Lian, Batangas kamakailan.
Kitang-kita sa social media post noong Abril 26, 2020 na si Uson, bagaman nakasuot ng face mask, ay may mga katabing lalaking OFWs at nakapalibot sa kanila ang iba pa.
Si Uson, deputy for administration ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ay dapat maging ehemplo sapagkat nagtatrabaho siya sa gobyerno at mula sa buwis ng mamamayan ang isinusuweldo sa kanya kaya’t dapat ay kabilang siya sa nagpapasunod at sumusunod sa batas.
Sa pangyayaring ito ay marami ang nanawagan kay Uson na magbitiw na lang sa kanyang tungkulin bilang deputy administrator ng OWWA.
Komento pa nga ng iba, wala nang kredibilidad ang dating artist na napasok sa gobyerno upang magtagal pa sa pwesto.
Minsan na ring sumablay si Uson na naging dahilan ng kanyang pagkakasibak sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) matapos pagsayawin nito ang isang kaibigan niya kaugnay sa usapin ng Federalism.
Ang video ay ipinost ni Uson sa kanyang social media account na umani ng batikos partikular ni dating Senador Aqulino “Nene” Pimentel.
Agad hiningi ng beteranong senador ang pagbibitiw ni Uson dahil hindi raw nito siniseryoso ang isinusulong na pederalismo ng gobyerno.
Tila tama nga si Pimentel na hindi seryoso sa trabaho si Uson dahil kung totoong seryoso ito ay mag-iingat na at hindi na uulitin pa ang nagawa niyang kapalpakan sa PCOO.
Sinasayang ng babaeng ito ang tiwala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa kabila nang minsan na siyang sumablay ay binigyan pa siya ng isa pang pagkakataon na magkaroon uli ng puwesto sa gobyerno
Bihira ang pangyayaring ganyan na bigyan ng dalawang beses na pagkakataon ng presidente ng bansa ang isang opisyal. Sa parte ni Mocha, hindi niya pinahalagahan.
Nakakahiya para sa nagbigay ng tiwala na hindi mo pinangalagaan ang isa pang pagkakataon.
Sabi tuloy ng ating mga suking taga-subaybay, nagpapapansin lang ulit si Mocha Uson kaya gumawamuli ng kapalpakan.
May mga nagkomento pa na kung nagkasala raw itong si Uson sa umiiral na “Bayanihan to Heal as One Act” ay bakit hindi raw ito inaresto ng mga awtoridad? Nasisi pa tuloy ang mga awtoridad!
Bakit ang mga ordinaryong tao na tulad ng fish vendor sa Brgy. South Triangle, Quezon City na lumabag sa ECQ ay pinagtulungang pagpapaluin ng mga tauhan ng Oplan Task Force Disiplina?
Gayundin ang mga residente ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa na lumabas sa kanilang mga bahay dahil wala nang makain ay inaresto ng mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD). Kawawang lahi ni Juan Dela Cruz na dahil mahirap ay laging api.
Bahala na si OWWA Administrator Hans Cacdac kung anong gagawin niya kay Uson.
Magseryoso ka naman Ms. Mocha Uson. Kung hindi mo kayang gawin, makabubuting magbitiw ka na lang upang mabawasan naman ang bulok sa administrasyong Duterte. Hala tsupi!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
427
