GINAGATASAN ng Philippine Health Insurance Corporation’s (PhilHealth) ang mga Overseas Filipino Worker (OFWs) dahil sa kabila ng kinakaharap na pandemic sa coronavirus 2019 ay itutuloy pa rin ng mga ito ang pagdagdag ng kanilang premium.
Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang nasabing pahayag kasunod ng Circular 2020-014 na inisyu ng PhilHealth noong Abril 2, 2020 na itataas na sa 3% ang premium ng OFWs ngayong taon.
Mas mataas ito sa 2.75% na ipinataw ng PhilHealth na premium ng OFWs na ayon kay Brosas ay wala sa lugar lalo na’t inisyu ang nasabing circular habang naghihirap ang lahat kasama na ang OFWs dahil sa COVID-19.
“Filipino workers abroad are already burdened with work adjustments and income losses amid the COVID-19 pandemic. And yet PhilHealth still wants to make them its milking cow with its insistence on the hefty 3% premium rate plus interest for missed payments,” ani Brosas.
“Bakit gagatasan pa rin ng PhilHealth ang mga OFW sa harap ng pandemya gayung sinabi nito mismo na may P97 billion reserve funds ito at net income na P11 billion noong 2018? It has the audacity to collect and collect when OFWs hardly benefitted from it in the face of COVID-19,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, maghahain umano ng resolusyon si Brosas upang rebyuhin ang Universal Healthcare Law, na nagbigay ng otoridad sa PhilHealth na magtaas ng premium na hindi na kailangan aprubahan ng Pangulo.
Layon din ng resolusyon na ibasura ang SSS Charter na itaas sa 12% ang mandatory premium payment ng mga manggagawa sa bansa lalo na ang mga minimum wage earner dahil dagdag na pahirap umano ito sa mga obrero na walang seguridad sa trabaho.
Sinabi pa nito na hindi ang virus ang papatay sa mga tao kundi ang kahirapan at patong-patong na kaltas sa kanilang kakarampot na kita. BERNARD TAGUINOD
236
