Amoy pulitika? JINGGOY ESTRADA NAMIMIGAY NG RELIEF GOODS, HINULI  

PINALAWIG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, sapagkat maraming residente rito ang tinamaan ng coronavirus disease-2019 (COVID-19), ngunit si Jinggoy Estrada na natalong senador nitong eleksyong 2019 ay nag-ikot sa San Juan City ngayong hapon ng Mayo 3 dahilan para damputin siya ng mga pulis.

Ayon sa impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon, si Estrada ay namamahagi ng relief goods sa ilang residente ng lungsod nang hulihin ito ng mga pulis.

Si Estrada ay nakasuot ng face shield nang mahuli.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, ang nakarating na impormasyon sa kanya ay dinampot si Estrada dahil hindi nito sinunod ang “social distancing” at “umalis sa kanyang bahay upang mag-ikot sa mga barangay nang walang barangay pass.”

Ang dalawang ito ay paglabag sa ECQ.

Ang pag-ikot at pamamahagi ni Estrada ng relief goods ay ‘pinagdudahang’ konektado sa eleksyong 2022 dahil ikalawang beses nang naging ‘mainit’ na balita si Estrada ngayong mayroong ECQ.

Ang una ay tungkol sa pagbatikos ni Estrada kay Zamora nang ipagbawal ng alkalde ang “mobile palengke” ng kanyang anak na si dating San Juan City Vice Mayor Janella Estrada dahil wala itong business permit at 50 porsiyento ang baba ng presyo ng mga produkto nito kumpara sa presyong umiiral sa palengke ng San Juan.

Ani Estrada, “Hinihingan ako ng business permit [ni Zamora]. Eh, hindi naman negosyo ‘yong ginagawa namin. Kawanggawa.”

Ang nakapagtataka, si dating Senador Estrada ang sumaltik kay Zamora sa halip na ang anak ang bumira laban sa alkalde.

Tinalo ni Zamora ang batang Estrada sa nakalipas na eleksyon.

Ang pagkapanalo ni Zamora sa halalan ay itinuring na malaking dagok sa angkan ng Estrada-Ejercito na naghari sa San Juan nang napakatagal na panahon. NELSON S. BADILLA

179

Related posts

Leave a Comment