ECQ SA METRO MANILA, POSIBLENG HINDI NA PALAWIGIN

MAAARING ibaba na lang sa General Community Quarantine (GCQ) mula sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region pagkatapos ng Mayo 15.

Nabatid mula kay Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya na kung pagbabatayan ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila, maaaring ikonsidera nang luwagan ang lockdown.

“It looks like ga-graduate na ang Metro Manila sa May 15. By all indications, mukhang ga-graduate na tayo at mag-GCQ na tayo,” pahayag ni Malaya.

Gayunman, may mga kritikal na lugar pa rin ang mananatiling nasa ilalim ng ECQ dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Kabilang sa pinagbabatayan umano ng Inter-Agency sa pagbawi sa ECQ ay ang bilis ng pagdami ng mga kaso ng virus infection at ang sapat na critical care facilities o ospital na tutugon sa mga pasyente.

Kaugnay nito, iginigiit ni House Speaker Alan Peter Cayetano, dapat na maging bahagi ng tinatawag na new normal ang konstruksyon ng mga health facility lalo na´t sinasabi ng mga eksperto sa kalusugan na magtatagal ang banta ng COVID-19 hangga’t walang nalilikhang bakuna.

Sinabi ni Cayetano na marami sa mga may ibang sakit ngayon ang nangangamba na magtungo sa ospital sa takot na mahawa ng virus infection kaya’t mahalaga na may hiwalay na mga pagamutan sa mga kaso ng COVID-19.

Naniniwala rin ang lider ng Kamara na kung may sapat na mga pasilidad-pangkalusugan, oportunidad sa trabaho at iba pang imprastruktura kasama na ang matatag na internet at mobile communication network ay maghihikayat sa mga tao na bumalik o manatili sa kani-kanilang probinsiya sa halip na tumawid sa Metro Manila o iba pang urban areas. JEFF TUMBADO

177

Related posts

Leave a Comment