NILABAG umano ni dating senador Jinggoy Estrada ang ilang panuntunan ng enhanced community quarantine nang magsagawa ito ng hindi awtorisadong relief operation sa San Juan City.
Ayon ito kay Interior Secretary Eduardo Año kasunod ng pamamahagi ni Estrada ng libreng bangus sa lungsod kahapon.
“Naintindihan naman natin ‘yung kagustuhan ni former senator Jinggoy na makatulong pero dapat ay ayon ito sa legal na pamamaraan at sa panuntunan ng ECQ guidelines,” ayon kay Año.
Una nang inimbitahan ng San Juan City Police si Estrada matapos na hindi umano masunod ang social distancing sa gitna ng pamamahagi ng relief goods. Pero rumesbak si Estrada sa pagsasabing pinupulitika siya at pinipigilan ni Mayor Francis Zamora ang pagtulong niya sa mga residente.
“Wala daw akong permit. Namimigay lang tayo ng bangus…Bakit ako hinihingan ng permit? Why single me out? It’s plain harassment,” ani Estrada.
Ngunit ayon kay Año, dapat ay idinaan ni Estrada ang kanyang donasyon sa Office of Civil Defense kung hindi siya kumportableng humingi ng permit sa local government ng San Juan City.
“Dapat nag-coordinate siya sa LGU. Kung kaaway niya ‘yung LGU, andiyan naman yung OCD,” pahayag ni Año.
Paliwanag ng kalihim, ang relief operations ay regulated ng gobyerno para matiyak na hindi naaabuso at hindi nagagamit ng ilang indibidwal sa ilegal na aktibidad.
“Ang LGU kasi ang dapat namumuno diyan para alam nila sino ang nakatanggap, di nakatanggap, saan papasok ‘yung LGU, para naman tulungan ‘yung mga di nakatanggap,” dagdag ng opisyal.
Maliban sa kawalan ng koordinasyon sa LGU, sinabi ni Año na ang mga taong namamahagi ng isda sa mga residente ay wala ring kaukulang quarantine pass na ang ibig sabihin ay hindi sila dapat nasa kalye. JEFF TUMBADO
179
