KAILANGANG maging agresibo ang gobyerno na mahikayat ang mga dayuhang manufacturer na nakaambang umalis ng China.
Ayon kay Senador Imee Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, nagbabalak na ang Japan, United States at European Union na ilipat ang produksyon ng kanilang mga kinakailangang produkto dahil sa naging kakulangan ng supply mula China bunsod ng COVID-19 pandemic.
Idinagdag pa ni Marcos, mismong mga Chinese manufacturer aniya ay nagpaplano na ring ilipat sa mga kalapit-bansa nito ang kanilang negosyo para makaiwas sa mataas na bayad sa taripa na ipinatutupad ng U.S. sa China-made products para sa mga American company tulad ng Apple, Google at Microsoft.
“Ang Pilipinas ay mayroong mahuhusay na mga manggagawa at mas marunong sa wikang Ingles kaysa ibang taga-Asya, pero kinakailangang maging mabilis at masusing pag-aralan ng ating mga economic manager ang mga insentibong alok ng Vietnam, Thailand, Malaysia at Indonesia na nakalalamang sa bansa sa paghikayat ng mga dayuhang investor,” ani Marcos.
Kaugnay nito, itinutulak ni Marcos ang Senate Bill 1024 na mag-aamyenda sa Foreign Investment Act para makapagtatag ng Investments Promotion Council at makapagdagdag pa ng mga matagal nang na-delay na mga insentibo para sa mga dayuhang investor.
Kabilang sa mga insentibong nakapaloob sa Marcos bill ang pagtaas ng foreign ownership limit, pagbaba ng USD2.5-million na kailangang kapital para makapagsimula ng kanilang negosyo, pagpapadali sa pagkuha ng mga permit ng pamahalaan at gawing kasong kriminal ang anomang mga pagkakamaling may kinalaman sa pagkuha nito.
Sinabi ni Marcos na ang Indonesia ay magtatapyas na ng corporate income tax mula 25% hanggang 20% sa susunod na taon. NOEL ABUEL
217
