MISTULANG naghugas-kamay si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista sa nagaganap ngayong sobrang pagkabalam nang pamamahagi ng ayudang P5K hanggang P8K sa mga mahihirap na mamamayan.
Ipinasa na nga ng kalihim sa local government units (LGUs) ang kapalpakan sa pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa mga umaasang mamamayan na siya rin ang lumikha.
Una, totoong ibinigay na ng DSWD ang pondo sa LGUs at bahala na ang LGUs na magbigay ng pondo sa mamamayan.
Ang tanong, sapat ba ang ibinabang pondo ng DSWD para sa mga dapat na pagkalooban ng Social Amelioration Program (SAP)? Hindi!
Ikalawang tanong, sa pagbibigay ng pondo, sinunod ba ng DSWD ang listahan na isinumite ng LGUs?
Hindi!
Ang punto, totoong hindi makararating sa tamang tao at tamang oras ang SAP dahil hindi sapat ang budget at hindi rin mabibigyan ang lahat, dahil sa listahan na kailangang baguhin.
E, ang pinagbatayan pa ng 18-milyong recipients ng SAP ay yaong census noong 2005 na ginamit para sa DSWD SAP! Anong petsa na ngayon?
Talagang malaking sakit ng ulo ito ng LGUs. Kahihiyang dapat na harapin at lunukin bunga nang inaani ngayong kaliwa’t kanang batikos!
Kaya sa simula pa lamang ay problema na at habang tumatagal ay lalong lumalaki ang nilikhang problema ng DSWD.
Hindi sa dinedepensahan ang LGU, mahirap ang kanilang papel ngayon. Ngunit kailangang kumilos na sila ‘with dispatch’, madaliin.
Ilang araw na lang Mayo 7 na, ang hiniling na palugit ng mga pamahalaang lokal upang ipamahagi ang unang bugso ng pondong SAP.
Kung ilan ang dapat bigyan, ibigay na. Mayroon pa namang ikalawang wave ng ayuda para sa dagdag na limang milyong katao. Habang tumatagal kasi ay lalong sumisidhi ang paghihirap ng mga mamamayan na hindi makapaghanapbuhay. Kaya gustuhin man o hindi ay uulanin ng reklamo ang DSWD at LGUs, bandang huli, ang lahat ng kapalpakan, problema at kapintasan na dulot ng walang sistemang pagtugon ng mga ahensiya ng gobyerno sa pandemic ay tiyak na babalik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Naku, e malapit na ang 2022, election period na nga sa susunod na taon. Kaya kung ano ang naging performance ngayon ng ahensiya ng pamahalaan ay tiyak na nakatatak na sa isipan ng mahigit na isandaang milyong populasyon ng Pilipinas.
Pero bilang bahagi ng ‘saving grace’ sa hanay ng LGUs, gayahin n’yo si Gapan City Mayor Emeng Pascual. Mula nang magkaroon ng state of public health emergency, ilang beses na siyang namigay ng saku-sakong bigas sa mga mamamayan ng Gapan, Nueva Ecija at may kasama pang manok at isanlibong piso.
Wala siyang pinili. Lahat ng pamilya, binigyan niya.
Nawa ay dumami pa ang katulad ni Mayor Emeng, isang opisyal na karangalan na tinataglay ng Duterte administration.
ooOoo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
180
