MATAPOS ang dalawang serye ng kailangang pagsusuri sa coronavirus na nagpapakita ng negatibong resulta, idineklara ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na magaling at “COVID-19 free” na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Base sa mga opisyal na dokumentong pangkalusugan na inilabas ng RITM para sa ikalawa at huling pagsusuri na ginawa ng molecular biologists ng RITM noong Abril 29, 2020 at ipinalabas noong Mayo 3, 2020, negatibo mula sa coronavirus test ang dating senador.
Ang unang negatibong resulta para kay BBM, na kusang inihiwalay ang sarili sa karamihan o sumailalim sa self-quarantine sa mahigit 45 araw matapos na unang masuring positibo sa virus, ay isinagawa noong Abril 27, 2020 ng RITM medical technologies at nailabas makalipas ang tatlong araw.
Isang medical certificate na ipinalabas kahapon ng isang manggagamot ng Department of Health (DOH) base sa resulta ng laboratory tests ng RITM na nagpapakitang si BBM “ay magaling na mula sa COVID-19 matapos ang dalawang magkasunod na negatibong resulta para sa SARS-COV2.”
Naramdaman ng dating mambabatas ang mga sintomas ng coronavirus noong Marso 22, 2020, isang linggo matapos niyang dumating sa bansa mula sa kanyang biyahe sa Europa at sa payo ng kanyang mga manggagamot, kaagad siyang sumailalim sa quarantine matapos na rin ang isang inisyal na pagsusuri para sa COVID-19.
Matatandaang noong Marso 28, 2020, si BBM ay inimpormahan ng mga manggagamot ng RITM na ang resulta ng coronavirus test niya noong Marso 22, 2020 ay lumabas na positibo. SAKSI NGAYON NEWS TEAM
187
