PNP, NBI PINAKIKILOS VS ANOMALYA SA AYUDA

PINAKIKILOS na ngayon ni Interior Sec. Eduardo Año ang mga unit ng Philippine National Police para siyasatin ang mga natatangap na ulat hinggil sa umano’y mga katiwalian sa distribusyon ng relief assistance, cash aid at iba pang tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program ng gobyerno.

Ayon kay Año, bukod sa PNP ay hihilingin din nila sa National Bureau of Investigation (NBI) na gawing prayoridad ang pagsisiyasat sa graft and corruption cases laban sa mga local official kaugnay ng distribusyon ng SAP.

“Greedy and corrupt officials should have no place in the government. They are carriers of a malignant virus that destroys the trust the people gave to them,” galit na pahayag ni Año.

Reaksyon ito ng kalihim kaugnay ng napaulat na insidente sa Hagonoy, Bulacan kung saan ibinubulsa umano ng kagawad sa Barangay San Agustin na si Danilo Flores ang P3,500 mula sa P6,500 cash assistance na ipinamamahagi sa mga benepisyaryo sa nasabing lugar.

“Ito ay mga ‘alkohol’—walang patawad sa mikrobyo. Hindi kayo makakatulog nang mahimbing. Mananagot kayo sa taumbayan at sa mata ng batas. Makakasuhan kayo ng paglabag sa graft and corruption, abuse of authority at lahat ng umiiral na batas,” tugon naman ni Manila Mayor Isko Moreno na patuloy ring nakatatanggap ng sumbong na marami ang hindi nabigyan o kung nabigyan man ng ayuda ay bawas naman.

Ilan umano sa mga reklamong nakarating sa alkalde ay tungkol sa isang barangay chairman na dinagdagan ang listahan ng mga benepisyaryo sa kanyang lugar kaya umabot sa sampung libo ang mga nakatala. May isa rin umanong kagawad na binabawasan ang relief packs na ipinamamahagi sa kanyang mga kalugar.

May isang batang chairman din aniya na balitang ipinagyabang pa ang nabiling motorsiklo sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine. Habang isang barangay hall naman ang ginawa umanong imbakan ng relief goods sa halip na ipamahagi ang mga ito ni tserman.

“Dapat lahat ay magkaroon. Dito masusubukan ang halal ng bayan. ‘Wag kayo makakalimot pagdating ng araw. Magbibigay ‘yan (chairman) ng P500, isang kilong bigas. ‘Wag ninyo palusutin.

Kung kaya nila abusuhin kayo sa oras ng kagipitan, ano pa kaya sa regular na araw?” ani Moreno.

Kaugnay nito ay nagbabala si Año na hindi kukunsintihin ang ganitong mga insidente at asahan ang pagpapataw ng parusa sa mga kurakot na mga lokal na opisyal.

Sa hiwalay na pahayag, hinikayat ni DILG spokesman Usec. Jonathan Malaya ang   publiko na iulat sa DILG ang mga ginagawang iregularidad ng kanilang mga opisyal. JESSE KABEL

532

Related posts

Leave a Comment