HINDI isinasantabi ng isang dating mambabatas sa Kamara na posibleng ‘drama” lang ng ABS-CBN ang agarang pagsasara ng mga ito matapos matanggap ang cease and desist order (CDO) mula sa National Telecommunication Commission (NTC) upang makahakot ng simpatiya at suporta sa publiko.
Sa kondisyong huwag siyang pangalanan, sinabi ng dating mambabatas na hindi kinakailangang magsara ang ABS-CBN dahil maaari nilang iapela ang CDO ng NTC kung ginusto nila.
“Nagtaka nga ako bakit sila nag-sign off agad. Puwede naman iapela yung CDO at habang naka-pending ang appeal, puwede nilang ituloy ang pagbo-broadcast nila ng kanilang programa,” komento ng dating mambabatas.
Ipinaliwanag ng source na 24-oras na bukas ang NTC at pasado alas-tres ng hapon noong Mayo 5, na nailabas ang CDO kaya mayroon pa aniyang panahon ang pamunuan ng ABS-CBN na humabol para sa kanilang apela.
“Pero bakit hindi nila ginawa (ang pag-appeal)? Baka talagang part yun ng script para makakuha ng sympathy at magmukhang kontrabida ang administrasyon,” ayon pa sa source.
Magugunita na tinapos lamang ng ABS-CBN ang kanilang newscast ng TV Patrol at agad nag-sign off matapos matanggap ang CDO ng NTC na nagpapatigil sa kanilang pagbo-broadcast dahil napaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 4.
PINAIMBESTIGAHAN SA KAMARA
Samantala, sa pagsasaliksik ng Saksi Ngayon, tinangkang paimbestigahan ni dating San Jose del Monte City Rep. Arturo Robes ang ABS-CBN noong 2013, sa posibleng paglabag ng mga ito sa kanilang prangkisa matapos makipag-partnership ang mga ito sa Globe Telecom.
Sa House Resolution (HR) 415 na inakda ni Robes noong October 22, 2013, sinabi nito na ang ABS-CBN sa pamamagitan ng ABS-CBN Convergence Inc., ay nag-alok ng prepaid at post-paid service gamit ang Globe platform.
“Whereas, the multimedia giant ABS-CBN is reportedly spending between P2 Billion to P3 Billion in investment to acquire communication equipment and working capital while utilizing Globe Network nationwide for five years, as stipulated in their contract,” ayon sa resolusyon ni Robes.
“Whereas, with such huge investment, ABS-CBN, in effect, is set to become a third player in the competitive telecommunications industry,” dagdag pa ni Robes sa kanyang resolusyon.
Paglabag umano ito sa batas dahil walang prangkisa ang ABS-CBN para sumali sa telecom industry dahil ang tanging nakasaad sa kanilang prangkisa ay broadcasting kung saan idinaddag pa sa resolusyon na “if it really venture to telecommunication, even in a sharing scheme, ABS-CBN Convergence Inc. should apply for its own legislative franchise”.
Wala sa record ng Kongreso na nagkaroon ng committee report ang House franchise committee sa nasabing resolusyon ni Robes. BERNARD TAGUINOD
336 