AABOT sa 20 kahong de latang Maling at 10 kahong may tatak na Ma Leing, ang nakumpiska sa isang babaeng negosyante na lulan ng isang puting Honda CRV sa Binondo, Manila noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Suanting Lin, 43, may asawa, ng 11th floor, #194 One Wilson Place, Wilson St., San Juan City.
Base sa ulat ni P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (MPD- SMaRT) alas-3:30 ng hapon nang masabat ang suspek sa panulukan ng Reina Regente St. at Alvarado St. sa Binondo habang lulan ng Honda CRV (DAJ- 4639).
Nauna rito, nag-test buy muna ng halagang P2,000 ang mga tauhan ni Major Ibay, sa pangunguna ni P/Major Raul Salle, at nang makumpirma ang nilalaman ng sasakyan ay hinuli ang suspek.
Matatandaan, mahigpit na ipinagbabawal ang nasabing luncheon meat noon Agosto 2018 dahil sa paglaganap ng African Swine Fever. (RENE CRISOSTOMO)
