SINAS ‘INABSWELTO’ NI DIGONG

MISTULANG inabswelto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kontrobersyal na si National Capital Region police chief Maj. Gen. Debold Sinas sa pag-amin na siya ang may ayaw na mailipat ito ng pwesto.

Naging malaking isyu kay Sinas ang mañanita sa kaarawan nito kamakailan.

“Ako yung ayaw na malipat siya. He is a good officer, he’s an honest one. Hindi niya kasalanan kung may mangharana sa kanya sa birthday niya,” ani Pangulong Duterte sa kanyang public message nitong Miyerkoles.

Inireklamo si Sinas matapos dagsain ng bisita ang idinaos na birthday mañanita (hindi raw party) para sa kanya. Sa ilang litrato, wala pa siyang face mask.

“Siyempre may mga meryenda yan may pagkain, alangan naman kainin nila yung mask,” ang depensa ni Pangulong Duterte.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya aalisin sa puwesto si Sinas sa gitna ng kontrobersiya.

“Sabihin mo the law is the law well… akin na yun. He stays there,” anito.

Nauna rito, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi niya masabi kung ‘irreplaceable’ si Sinas matapos na umani ito ng batikos nang magdaos ng birthday party sa kabila ng mga probisyong nagbabawal sa mass gathering na inilatag ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang sentimyento kasi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa ay dahil nasa emergency situation ang bansa ay mahirap agad palitan si Sinas sa puwesto.

“Inaantay po namin ang resulta ng IAS (PNP’s Internal Affairs Service). Palasyo po ang maglalabas ng go order kung sasampahan ng administrative charge si General Sinas,” ayon kay Sec. Roque.

“Since Palasyo po ang magde-determine kung makakasuhan o hindi si Sinas, I would rather not comment on that,” dagdag na pahayag nito.

Humaharap si Sinas at 18 iba pa sa diumano’y paglabag sa Republic Act 111332, o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act,” maliban sa Taguig City Ordinance 12-2020 na nag-oobliga sa pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing.

May kasong administratibo rin sina Sinas kaugnay ng “less grave neglect of duty” at “less grave misconduct” dahil sa pagdaraos ng nasabing kaarawan.

Ayon sa PNP, maaaring umabot ng 60-araw na suspensyon ang kanyang parusa. Idinireto na rin daw sa Malacañang ang mga kasong administratibo laban kina Sinas, ayon kay Gamboa.

Matatandaang dinepensahan ni Gamboa si Sinas kaugnay ng insidente at sinabing: “I don’t think na meron violation ito.”

Bukod kay Sinas, kinasuhan din kaugnay ng insidente sina Brig. Gens. Nicholas Bathan, Florendo Quibuyen, Florencio Ortilla, Gerry Galvan at Idelrandi Usana. Kasama rin nila ang walong police colonel, isang lieutenant colonel, dalawang police major at dalawang corporal.

Hindi naman kinasuhan ang mga nasabing pulis kaugnay ng RA 11469 o “Bayanihan to Heal as One Act.” CHRISTIAN DALE

150

Related posts

Leave a Comment