(NI VIRGI T. ROMANO, SAKSI Sports Editor)
LAS VEGAS – – LAHAT ng mata ay mag-aabang sa iisang tao na manonood sa sagupaan nina Manny Pacquiao at Adrien Broner, Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Manila), kung saan itataya ng Pambansang Kamao ang kanyang WBA welterweight crown sa MGM Grand Garden Arena.
Ang taong iyon ay walang iba kundi si Floyd Mayweather Jr.
Ayon sa mga taong malalapit kay Pacquiao, kinakailangan lamang umanong manalo ng Fighting Senator kay Broner at kasado na ang rematch nila ni Mayweather.
May mga indikasyon nang matutuloy ang nasabing rematch. Ikinukunsidera ang dalawang beses na pagkikita nina Pacquiao at Mayweather sa magkaibang okasyon at lugar. Ang una’y sa Japan at sumunod naman ay sa Staples Center sa Los Angeles.
Sinasabing ang rematch din kay Mayweather ang kukumpleto sa record ni Pacquiao.
Kamakalawa, binanggit ni Buboy Fernandez, childhood friend at chief trainer ni Pacquiao, na hindi man aminin, ay hinahabol talaga nila si Mayweather.
“Kung mag-rematch sila, manalo, matalo, pwede nang magretire ni Manny,” ani Fernandez. “Pero, alam naman natin na malaking pera ang usapan sa dalawang ‘yan, baka hindi lang rematch ang mangyari, baka may part 3 pa, hindi natin alam,” komento ni Fernandez.
Sina Pacquiao at Mayweather ay nagsagupa noong 2015. Tinalo ni Mayweather si Pacquiao via unanimous decision.
Humihirit ng rematch ang Pambansang Kamao, dahil umano sa hindi siya 100% nang labanan si Mayweather sanhi ng injury sa kanang balikat.
Nabuhay ang usapang rematch nang magkita ang dalawa sa Japan. Mismong si Mayweather ang nagdeklarang babaik siya sa boksing para labanang muli si Pacquiao.
Subalit, tila ginamit lang ni Mayweather ang rematch issue para i-promote ang kanyang exhibition match kay Japanese Tenshin Nasukawa na ginanap noong Disyembre 31 sa Japan.
Gayunpaman, marami ang makapagpapatunay na ang pagpirma ni Pacquiao ng kontrata sa Premier Boxing Champion na pinangangasiwaan ng advisor ni Mayweather na si Al Haymon, ay indikasyon na magaganap ang rematch ng dalawa.
Kung kailan, saan at paano ang magiging labanan, tanging si Mayweather lamang ang nakakaalam.
134