TININTAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang batas na naglalayong palakasin pa ang Human Security Act of 2007 upang mapigilan ang paglaganap ng terorismo sa bansa.
Sa kabila ng mga protesta at pagtutol ay ganap nang batas ang anti-terror bill.
Kapwa tiniyak nina Executive Secretary Salvador Medialdea at DILG Sec. Eduardo Año ang bagay na ito.
“Yes, signed in toto,” ayon kay Sec. Año.
Noong Hunyo 9 ay ipinadala ng Kongreso ang batas sa Malakanyang para sa lagda ng Chief Executive.
Sa ilalim ng Anti-Terrorism Bill, mas maliwanag ang pakahulugan at mga elemento ng krimen ng terorismo. Sakop din ang terorismo sa labas ng bansa.
Sabi ng mga may akda, protektado raw nito ang lehitimong paggamit sa kalayaan ng pamamahayag at pagtitipon-tipon.
Puwede ring kasuhan ang pagpaplano at paghahanda na maghasik ng terorismo.
Pinalalawig din ang panahong puwedeng manmanan ang hinihinalang terorista basta may basbas ng korte.
Tanggal din ang safeguard na P500,000 multa kada araw sa maling pagkulong at pag-freeze ng assets ng hinihinalang terorista.
Pero ang pinakakontrobersyal dito ay puwedeng makulong ang hinihinalang terorista nang 14 hanggang 24 araw nang walang kaso.
Giit ng mga kritiko, malaki ang tsansang maabuso ito dahil malawak ang maaaring interpretasyon kung sino ang maituturing na terorista at kung ano ang terorismo.
Anila, baka magamit ito kontra sa mga kritiko ng pamahalaan.
Para sa grupong Concerned Lawyers for Civil Liberties, walang sapat na pangontra ang panukala laban sa pang- aabuso ng batas.
Pinalawak din ang kahulugan ng terorismo at inaagaw umano ng ehekutibo ang kapangyarihan ng mga korte. (CHRISTIAN DALE)
