INAPRUBAHAN ng Deparment of Health ang accreditation ng bagong molecular laboratory laban sa corona virus 2019 (COVID-19) ng Philippine Red Cross (PRC) sa Batangas, inihayag ni Senador Richard Gordon.
Sa pahayag, sinabi ni Gordon, chairman at CEO ng PRC na nakapasa ang laboratory sa proficiency test ng Research Institute for Tropical Medicine at sertipikado bilang accredited COVID-19 testing center, kaya aabot na sa 32,000 tests kada araw ang puwedeng gawin ng organisasyon.
Inulit ni Gordon ang panawagan na magsagawa ng malawakang testing sa mga economic zone sa buong bansa upang makabalik sa operasyon ang lahat ng pabrika at negosyo dahil maaari na ring makabalik ang kanilang mga empleyado pagkatapos masuri.
“Kaya natutuwa ako dahil pwede nang magsimula ng operations diyan sa Batangas kasi marami tayong mga pabrika diyan, pati sa Laguna na malapit lang din sa Batangas. Ang tao, walang pambili dahil walang trabaho kaya binigyan ng pera ng gobyerno. Pero hindi pwedeng habambuhay bibigyan ng gobyerno ng pera. Kaya dapat makapagtrabaho na ulit. Ang sinasabi ko, para makapagtrabaho na, dapat kayo ay magpa-test,” aniya.
Mayroon ang molecular laboratory sa Batangas City, ng dalawang automated ribonucleic acid extraction machines o Natch at 4 RT-polymerase chain reaction machines, na kayang sumuri sa kabuuang 4,000 kada araw.
Noong nakaraang Hunyo 27, pinasinayaan ni Gordon ang pinakamalaking molecular laboratory nito sa dating national headquarters sa Port Area, Manila. Mayroon itong pitong RNA extraction machines and 14 PCR machines, at maaaaring sumuri ng 14,000 test kada araw.
Sa unang bahagi naman ng buwan, binuksan ni Gordon ang katulad ng pasilidad sa Subic at Clark, na may pinagsanib na kapalidad na 6,000 test kada araw. Noong Mayo, binuksan din ng PRC ang dalawang molecular laboratories sa kanilang national headquarters sa EDSA na kayang sumuri ng 8,000 kada araw.
“Once our laboratory in Batangas City is up and running, we will be able to test 32,000 people in a day. The more people we test, the faster we will ensure victory over COVID,” giit ni Gordon. (ESTONG REYES)
