ANG umano’y paglalaro sa pulitika ng ABS-CBN ang sunod na target busisiin ng mababang kapulungan ng Kongreso. Ngayong araw ay posibleng huling joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability matapos magsagawa ng marathon hearing noong nakaraang linggo.
Bago natapos ang ika-11 pagdinig ng dalawang komite noong Huwebes ng gabi, sinabi ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado na ang alegasyon sa pagiging bias umano ng ABS-CBN ang pangunahing agenda sa pagdinig ngayong araw.
“Magsisimula tayo ng hearing sa Lunes at ang pag-uusapan ay ang allegations ng media bias ng ABS-CBN,” pahayag ni Sy-Alvarado.
Magugunita na inakusahan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang ABS-CBN na bias umano sa mga kandidato mula noong 2010 hanggang 2016 elections na labag umano sa kanilang prangksia at omnibus election code.
”Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami, kung hindi man lahat kung paano naging pro-Noynoy Aquino ang ABS-CBN nung 2010 at pro-Grace Poe at pro-Leni Robredo naman nung 2016,” ani Marcoleta noong buksan ang pagdinig sa prangkisa ng nasabing network.
Inaasahang ilalatag ni Marcoleta ang mga paglabag na ginawa umano ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa at election code sa pagdinig ngayong araw.
Bukod dito, inaasahang kakalkalin din sa pagdinig ang pagpapalabas ng network sa political ads ni dating Sen. Antonio Trillanes na panira sa kandidatura ni Pangulong Rodrigo Duterte at napigilan lamang nang maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang isang korte sa Taguig.
Isa ito sa ikinagalit ni Duterte sa ABS-CBN bukod sa hindi pag-ere sa kanyang political ads kahit binayaran na ito.
“Paalala lang po sa ABS-CBN, you are a broadcasting company not a political kingmaker. Either you play ball or you play fair,” ani Marcoleta sa nasabing network noong Mayo.
BARYA LANG
‘Mumo’ lang o katiting ang binabayarang buwis ng pamilya Lopez na may-ari ng ABS-CBN dahil bukod sa kontrobersya sa Big Dipper na ginagamit diumano ng mga ito na “tax shield” ay pumapasok sila sa compromise agreement sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa nabanggit na pagdinig, nagpahayag ng pagkadismaya si Marcoleta dahil lumalabas aniyang ‘mumo’ lang ang binabayarang buwis ng nasabing kumpanya.
“Parang mumo na lang ang binibigay sa gobyerno. Yung mumo po, eto yung sumosobra na natatapon sa pinggan natin eh. Alam nyo kung sino lang ang nakikinabang dun sa mga mumo, yung dagang dingding na lamang po. Ganito ang nangyayari eh, Mr. Chairman,” pahayag Marcoleta dahil sa 5 tax case na isinampa ng BIR sa ABS-CBN subalit nauwi sa compromise agreement kung saan nagbayad nang mas maliit ang nasabing kumpanya.
Inihalimbawa ni Marcoleta ang kasong isinampa ng BIR sa ABS-CBN noong 2014 kung saan sinisingil ang kumpanya ng P2.5 Billion subalit dahil sa compromise agreement ay P153 milyon na lamang ang binayaran ng mga ito na buwis o katumbas ng 3.8% sa aktuwal na buwis na dapat bayaran.
