Gagamiting pondo sa paglaban sa COVID-19 TOXIC ASSETS NG GOBYERNO PINABEBENTA

NAGHAIN ng isang panukalang batas si Senador Imee Marcos upang madaliin ang pagbebenta ng mga “toxic” o non-performing assets para makatulong at makalikom ng karagdagang pondo na magagamit sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 1646 o Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act, upang makabuo ng specialized asset-managing corporation na maglilinis mula sa pagkakautang at ‘di mapakinabangang ari-arian ng lending institutions.

Ibinabala ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na dadami pa ang mga hindi makababayad ng utang bunsod ng patuloy na kahirapan sanhi ng pandemya.

“Tila virus ‘yang mga hindi nababayarang utang at iba pang non-performing asset na nakakaapekto sa ating ekonomiya. Masusubukan ang tibay ng bansa sa mga susunod na buwan,” ani Marcos.

Sinabi ni Marcos na katulad ng mga tinatawag na SPV o special purpose vehicles (SPVs) na binuo sa kasagsagan ng 1997 Asian financial crisis, ang mga FIST corporation na bubuuin sa ilalim ng panukala ang tutugon sa banta ng pandemya sa pambansang ekonomiya.

“Napababa ng nasabing estratehiya ang dami ng mga problemadong pautang mula sa 14.6% noong 2001 hanggang 5.1% na lamang ng lahat ng pautang noong 2005. Daan-daang bilyon din ang nagawa sa pagbenta ng mga toxic asset at napadaloy sa ating sistemang pinansyal,” ayon kay Marcos.

Dagdag pa ni Marcos, ang tax privileges at fee exemption na ibibigay sa mga FIST corporations ang hihimok sa pagbuo nito sa panahon ng tumitindi ang krisis sa pinansya.

Sinabi ni Marcos na ang halaga ng mga problemadong pautang ng mga bangko pa lamang ay maaaring lumobo sa mga susunod na buwan ng hanggang 20% ng kabuuang mga loan mula sa kasalukuyang 5%, base sa pagtataya ng Bankers Association of the Philippines. (ESTONG REYES)

196

Related posts

Leave a Comment