KUNG mayrong magandang balita na nabasa hinggil sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) ito ay nang sabihan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr., ang China na igalang ang desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na ang inangkin at sinakop nilang teritoryo ay pag-aari ng Pilipinas.
Nagkaroon ng pag-asa ang mga Filipino na sa wakas ay ipinaglalaban na ng gobyerno ang karapatan ng Pilipinas sa WPS matapos ang apat simula nang maipanalo natin ang karapatan natin sa nasabing teritoryo sa Permanent Court of Arbitration (PCA).
Akala ko wala ng pag-asa pero may kasabihan tayo na habang may buhay may pag-asa at sa wakas ay nanindigan na ang gobyerno natin at ipinaglalaban na ang karapatan natin sa WPS.
Idinaan ng Pilipinas ang laban sa legal na proseso dahil alam naman talaga natin na wala tayong laban sa military power ng China at naigawad sa mga Filipino ang tagumpay noong Hulyo 16, 2016.
Pero imbes na sumunod ang China sa kautusan ng UNCLOS kung saan kasama sila sa signatory member, ay lalo nilang hinigpitan ang paghawak sa ating teritoryo at nagpatuloy ang kanilang pagdevelop sa mga reef na ilegal nilang inokupahan.
Ginawa pa nilang distrito sa ilalim ng Hainan province ang mga reef na kanilang pinagtayuan ng research centers at military facilities na isang direktang panggagago sa mga Filipino.
Sino ang makakapagsabi sa atin na baka sa nakaraang apat na taon ay naghukay na ng langis ang China sa ating teritoryo at inuwi nila sa kanilang bansa dahil sa parito’t paroon ang kanilang mga barko.
Ayaw nilang igalang ang UNCLOS dahil sa paniniwala nila na ang buong South China Sea ay pag-aari nila. Hindi porke’t nakapangalan sa inyo ang buong karagatan ay pag-aari niyo na.
Parang sinasabi ng China na kapag ang isang kalye na ipinangalanan ng isang kilalang tao sa lipunanan ay pag-aari ng pamilya ng taong ito ang buong kalsada at gawin nila ang gusto nilang gawin.
Hindi ko alam kung nasaan ang pag-iisip ng mga lider ng Chinese communist party sa pangunguna ng kanilang pangulong si Xi Jinping sa ganitong klase ng kanilang pag-iisip.
Pero tulad ng sabi ko, atleast iginiit na ng Duterte administration ang karapatan ng ating bansa sa WPS matapos ang apat na taon. Nagkaroon tayo ng pag-asa kahit papaano.
Hindi ko masisisi ang Duterte administration na magbago ang kanilang paninindigan sa WPS matapos ang apat na taon dahil kung ang dahilan ng kanilang pananahimik ay dahil sa pangako ng China na tutulong sila para mapaunlad pa ang bansa natin.
Pero hindi ko ramdam ang tulong ng China sa Pilipinas sa nakaraang apat na taon. Patapos na ang administrasyong Duterte pero kahit anino ng tulong ng China ay hindi pa natin nababanaag.
Ang China pa nga ang dahilan kung bakit lumagapak ang Pilipinas at lahat ng bansa sa mundo dahil sa coronavirus disease 2019 na nagsimula sa kanilang bansa partikular na sa Wuhan City sa Hubei province nila.
163 