DIWA NG BAYANIHAN LABAN SA PANDEMYA

HINDI man maisailalim sa COVID-19 testing ang buong populasyon, pinaiigting pa rin ng pamahalaan ang testing na ginagawa para sa bansa.

Wala ring bansa ang may kakayahang gawin ito dahil sa hindi ito praktikal. Maging ang ibang mayayamang bansa gaya ng US ay hindi ito ginagawa.

Target ng pamahalaan ang magsagawa ng 32,000 hanggang 40,000 test kada araw.

Balak ng pamahalaan ay maisailalim sa testing ang 10 milyong katao hanggang sa ikalawang yugto ng susunod na taon.

Sa kasalukuyan ay tinatayang nasa 1.1 ­milyon katao na ang sumailalim sa ­testing.

Ang pag-iibayo ng testing din ang tinutukoy na dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng positibong kaso sa bansa.
Nagkakaubusan na ng espasyo sa mga ospital para sa mga pasyenteng may ­COVID-19.

Maraming ospital na ang ­nagdedeklara ng full ­capacity.

Sa Philippine General Hospital (PGH), karamihan ng kanilang pasyente ay mga senior citizen.
Ang patuloy na pagtaas ng kaso sa bansa ay patunay na hindi dapat makampante ang mamamayan.

Hindi pa rin dapat lumabas ng basta-basta sa bahay kung hindi naman mahalaga ang dahilan lalo na ang mga may edad na.

Mahigit na sa 75,000 sa kasalukuyan ang naitatalang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Halos 47,000 dito ay aktibong kaso at nasa halos 2,000 naman ang bilang ng mga nasawi.

Sa rehiyon ng Timog Silangang Asya, pumapangalawa na sa bansang Indonesia ang Pilipinas pagdating sa usapin ng may pinakamataas na bilang ng COVID-19 sa bansa.

Mahalaga ang pagtutulungan sa panahong ito.

Habang walang bakuna, ang disiplina, pagkakaisa, at pagtutulungan ang ilan sa mga mabisang panlaban sa epekto ng pandemyang ito.

Ang lungsod ng Maynila, sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno, ay naglunsad ng libreng drive-thru at walk-in ­COVID-19 testing.

Ito ay bukas din para sa mga taga-labas ng Maynila.

Patuloy rin ang pagtulong ng pribadong sektor sa pamahalaan bilang suporta sa pagpapaigting ng testing sa bansa.

Binigyan naman ng Meralco ng serbisyo ng kuryente ang mga institusyon at pasilidad na itinayo at inilaan para sa paglaban sa COVID-19.

Kabilang dito ang ASEAN Convention Center sa Clark, ang mga pansamantalang treatment center na inilunsad ng DPWH sa World Trade Center, Ninoy Aquino Stadium at Philippine International Convention Center.

Kasama rin sa mga binigyan ng serbisyo ng kuryente ng Meralco ay ang mga ospital, mga ahensya ng pamahalaan, at mahahalagang mga institusyon na lumalaban sa COVID-19 gaya ng Emilio

Aguinaldo Medical Foundation, San ­Pablo City General Hospital Dialysis Unit at Silang Evacuation Center.

Dagdag pa rito ay tinututukan ng Meralco ang pagbabantay sa mga pasilidad nito na nagbibigay ng serbisyo sa mga kritikal na institusyon gaya ng mga ospital.

Habang wala pang bakuna, mahalaga ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor sa paglaban sa pandemyang ito. Ang ating pagkakaisa ang magiging susi sa mabilis at epektibong paglaban sa pandemya at pagbangon mula sa malubhang epekto nito.

 

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA
161

Related posts

Leave a Comment