NANGANGAMBA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa paglobo ng mga COVID-19 patient dahil malapit na umanong mapuno ang mga city hospital at ang 12 quarantine facilities sa lungsod.
Kasabay nito, nanawagan ang alkalde sa mga Manilenyo na seryosohin ang ‘three Ws’ na ang ibig sabihin ay “wear your face masks, wash your hands and watch your distance”.
Kinakailangan umano na sanayin na ng mga taga-lungsod o ilagay sa mind set ang ‘three Ws’ upang makaiwas sa COVID-19.
Ayon pa kay Moreno, may 6 ospital sa Maynila at 12 quarantine facilities na may bed capacity na halos aabot sa 600.
Samantala, dismayado ang alkalde kung paano inorganisa ang mga locally-stranded individual na nagtungo sa Rizal Stadium sa Malate kamakailan.
Ito ay matapos na 48 sa mga ito ang nakumpirmang positibo sa COVID-19.
“Maganda ang prinsipyo.. ang konsepto. Taas-kamay ako but it was not done according to the set of rules na sinusundan ng lahat ng lokal na pamahalaan.
It is quite unfair for receiving provinces to send someone there who is infected. Di kami pwede manahimik. They (concerned authorities) mended their ways and promised na di na mauulit ang ganung bulusok,” pahayag pa ni Moreno.
Pinuna rin nito ang mga kalat na iniwan ng mga LSI kung saan may 50 toneladang basura ang nakolekta ng mga tauhan ng Department of Public Safety (DPS).
“Tatanggap pa rin kami ng LSIs kung makakatulong… but we, as intermediary city, when people come from their origin going to endpoint, sa amin dadaan so they have to make sure that medical protocols are practiced not only for the people of Manila but for the receiving provinces as well,” pagtatapos ng alkalde. (RENE CRISOSTOMO)
