KAHIT magagaling na mga abogado, maaaring ito pa ang magpahamak sa kanilang kliyente sa isang nakakahiyang iskandalo.
Kaya, mag-ingat po sa mga abogado.
Nabanggit ko ito at ipinapayo ko na rin sa inyong lahat dahil napansin kong nababaon nang husto ang Panay Electric Company (PECO) sa nakakahiyang iskandalo.
Ang mga paliwanag kasi ng mga abogado ng PECO ay ‘nanganak’ lang ng mas maraming katanungan kaysa solusyon sa problema ng nasabing kumpanya.
Kaya, hindi masama kung sasabihin nating nabaon nang husto ang PECO sa iskandalong kinakaharap nito sa mamamayan ng IloIlo City tungkol sa kuwestiyonableng pagbili nito ng mamahaling kotseng BMW na gamit daw ang kanilang Capital Expenditure (CAPEX), na sa kalaunan ay ibinenta sa kanilang pangulo nang matapos ang kanilang prangkisa.
Nagsilabasan sa mga pahayagan ang nadiskubreng pagbili ng PECO ng BMW 520d sedan noong 2015 mula sa Asian Carmaker Corporation na nagkakahalaga ng P5-M.
Nabili raw ang nasabing sasakyan gamit ang pera na inaprubahan ng ERC para sa pagbili ng transportation equipment sa ilalim ng CAPEX ng PECO para sa taong 2011 hanggang 2015.
Kaya, nangangahulugang mula ito sa consumers money.
Hindi itinanggi ng PECO ang pagbili ng BMW, ngunit ipinaliwanag ng mga abogado ng PECO na sina Atty. Nilo Divina at Atty. Estrella Elamparo mula sa Divina Law Firm na hindi consumers money ang ipinambili sa sasakyan kundi naging bahagi ito ng administrative expenses ng PECO.
“The records will clearly show that said purchase was an administrative expense that was charged to PECO’s own account. Contrary to the false claims being peddled to media outlets, the said expense never became part of any of the amounts billed to consumers, as is PECO’s practice with its administrative expenditures. Therefore, it is an utter and malicious lie that the consumers were
made to pay even a single centavo,” paliwanag ng Divina Law Firm.
Gayunpaman, kinontra ito ng mismong grupong nagsiwalat ng anomalya sa pagbili ng mamahaling sasakyan.
Sabi ni Halley Alcarde, general manager ng Western Visayas Transport Cooperative na isang accountant, ang lahat ng administrative expense ay sinisingil din sa consumers.
Ang paliwanag ng PECO ay mali dahil ang pagbili ng BMW ay hindi maaaring ipasok bilang administrative expense.
Kung ipipilit ng PECO na administrative expenses ang ipinambili ng BMW, tiyak na external auditor ng kumpanya ang mabubuweltahan sa mga kasong kriminal at maaaring mabawian ng lisensya kung pinayagan nitong ipasok bilang adinistrative expenses ang pagbili ng mamahaling sasakyan.
“PECO is creating more problems here, If this is so, then the financial statement submitted by PECO is no longer reliable because a capital expenditure should not be part of administrative expense,” ratsada nito.
Ang WVTC at ang Iloilo City Loop Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association (ICLAJODA) ang unang nagsiwalat na sa kanilang pagberipika sa Land Transportation Office (LTO) ay lumilitaw na ang kinukuwestiyong BMW ay naibenta noong May 22, 2019 kay PECO President Luis Miguel Cacho.
“They have to justify to the people, they have to prove that they have not wasted consumers’ money here or else they have to answer for it, because if true, it is a clear case of a deceitful transaction which involves the money of the electric consumers,” banggit ni Alcarde.
Noong 2011, umabot daw sa P2,133,851 ang alokasyon para sa transportation equipment ng PECO; noong 2012 ay P2,231,446; 2013 ay pumalo sa P2,337,988; 2014 ay P2,447,289 at 2015 ay umabot naman sa P2,560,476.
Ang layunin ng nasabing mga pondo ay bumili umano ng utility vehicles na magagamit sa operasyon nito, subalit lumitaw na kalahati ng pondo ay ipinambili ng mamahaling sasakyan na magagamit sa “official function” ng PECO.
Ang CAPEX ng power firms ay isinusumite at pinaaprubahan sa ERC.
Ang layunin nito ay matiyak na ang mga “economically efficient capital expenditure” lamang ang siyang mapopondohan upang masiguro na protektado ang interes ng publiko.
Tinuran ng WVTC na malinaw na ang pagbili ng BMW ng PECO para sa personal na gamit ay hindi maikokonsidera bilang economically efficient.
Bagkus, maituturing itong pag-abuso sa pera ng mga konsyumer.
