IPINAKITA NI ROGER CASUGAY SA MUNDO KUNG ANONG KLASE AND MGA PILIPINO

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

 

WALONG buwan na ang nakalilipas nang ipakita ng surfer na si Roger Casugay sa buong mundo kung anong klaseng nilalang ang mga Pilipino. Hanggang ngayon ay  nasa kaisipan pa ng lahat ang kanyang kapuri-puring ginawa.

Nagwagi ng gintong medalya si Casugay sa surfing longboard event noong 2019 Southeast Asian Games na ginanap dito sa bansa. Subalit mas tumatak sa buong komunidad ng sports ang kanyang kabayanihan, nang iligtas niya sa pagkalunod ang isa sa kanyang mga nakalaban.

Nangunguna noon si Roger sa karera sa quarterfinal round nang mapansin niyang nasira ang board ni Indonesian Arip Nurhidayat. Sa halip na tumuloy sa kompetisyon ay binalikan ni Casugay ang nalulunod na kalaban at sinagip ito.

Matapos maayos ang board ng Indonesian, nag-duelong muli ang dalawa at tinalo ni Casugay si Nurhidayat at maging ang kababayan at paboritong manalo na si Rogelio Esquivel, para makuha ang gintong medalya.

Umani ng papuri si Casugay sa kanyang kabayanihan, hindi lamang mula sa kanyang mga kasamahan sa pambansang koponan kundi maging sa kanyang mga nakatunggali.
Ipinamalas ni Casugay sa lahat kung ano ang ibig sabihin ng sports at bakit mayroong kompetisyon. Sa kanyang panalo ay tinuruan niya ang mundo ng isang leksyon–ang maging makatao. Ugali itong tila nakalimutan na sa makabagong panahon.

Ang pinakamahalaga, ayon kay United Philippine Surfing Association President, Dr. Jose Raul Canlas, ipinakita ni Roger kung anong klaseng nilalang at sportsman ang mga Pilipino.

Dalawang linggo na ang nakararaan, mismong ang International Fair Play Committee ang kumilala sa nagawa ni Casugay nang pagkalooban siya ng prestihiyosong Pierre de Coubertin Act of Fair Play Award.

Si Casugay ang kauna-unahang Pilipino na nagawaran ng ganitong parangal.

Depende sa mgiging sitwasyon ng COVID-19 pandemic, matatanggap ni Casugay ang parangal sa gagawing seremonya na gaganapin sa Monaco. Kung hindi siya makararating, maaaring igawad sa kanya ang parangal sa pamamagitan ng virtual format.

“Roger didn’t only showed the entire sporting world the Filipinos’ athletic attributes, he, likewise, proved kung anong klaseng tao tayong mga Pilipino,” pahayag ni Dr. Canlas  sa kolumnistang ito.
“At a time when the whole world is suffering from the spread of coronavirus, napakagandang malaman ng buong mundo na isang Pilipino ang nagawaran ng karangalan tulad ni Roger, hindi lamang sa kanyang pagiging atleta kundi lalo na sa kanyang pagiging makatao.

“We’re not the most hospitable people in the world for nothing. That’s what Roger has proven which we all should be proud of,” sabi pa ni Dr. Canlas, na matagal nang miyembro FIBA Medical Commission.

Sinang-ayunan naman ito ni Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez.
Maging si Indonesian President Joko Widodo ay nagpahayag din ng papuri sa pagsasabing: “Cassugay personified sportsmanship in helping the Indonesian rival.”

367

Related posts

Leave a Comment