LABIS-LABIS ang aking panlulumo nang aking makita ang mga larawan ng ating kabayani na namatay sa Riyadh Saudi Arabia. Ang aking tinutukoy ay si Jasmine Corro Remetria na noong Hunyo 23 ay humihihingi pa ng tulong upang siya ay masaklolohan.
Sa larawan na aking nakita ay mapapansin ang labis na pangigitim ng kanyang braso, kamay at mga paa at tila may marka pa ng pagkalapnos sa kanyang binti.
Noong nabubuhay pa si OFW Jasmine Remetria ay nagpadala ito ng sumbong sa pamamagitan ni volunteer advocate Yasmen Limbona ng grupong OFW Good Samaritan (OFWSGV). Sa kanyang sumbong ay humihingi sya ng tulong na sya ay saklolohan dahil gusto na niyang umuwi sa Pilipinas. Sinabi rin niyang nanghihina na ang kanyang katawan at nagdurugo ang kanyang ilong.
Sumbong din niya na sa kanyang konting pagkakamali ay agad na siya ay pinapagalitan ng kanyang employer at laging pinagbabantaan na papatayin. Nanghihina ang kanyang katawan dahil sa kakulangan ng pagkain kung kaya laging nangangatog ang kanyang tuhod dahil sa labis na pagkagutom. Inirereklamo rin niya ang sobrang laki ng bahay na kanyang araw-araw na nililinis kung kaya lalo siyang nanghihina.
Inirereklamo rin niya ang hindi pagbibigay ng kanyang sweldo sa tamang araw dahilan kung bakit hindi sya nakakapagpadala ng pera para sa kanyang pamilya.
Matapos ang dalawang araw nang sya ay nagsumbong, ay tuluyan na itong hindi nakausap sa telepono ng kanyang pamilya at maging ng grupong OFWSGV at duda nga nila na kinumpiska ang kanyang mobile phone.
Ang sitwasyon ni OFW Jasmine ay ipinarating ng grupong OFWSGV at ng kanyang asawa na si Diomedes Remetria sa ahensya na Skyhigh Manpower Agency ngunit diumano ito ay mistulang binalewala at ipinagkibit balikat lamang.
Nagulat na lamang ang pamilya ni OFW Jasmine nang ipaalam ng employer na ito ay nahulog at namatay. Agad din ipinauwi ng employer ang kanyang bangkay na dumating nuong Agosto 16.
Nailibing nitong Agosto 23,2020 sa kanilang bayan sa Cagayan de Oro ang bangkay ni OFW Jasmine.
Sa pamamagitan ng programa ng aking kaibigan na si Florante Rosales na Kamustahan sa FRNews sa DZRH ay aking nakausap ang asawa ni OFW Jasmine at personal siyang nakikiusap na tulungan siyang manawagan kay Presidente Rodrigo Duterte na mabigyan ng hustisya ang kanyang asawa.
Hinihiling din niya na papanagutin ang ahensya sa Pilipinas na SkyHigh Manpower Agency at maging ang ahensya sa Saudi Arabia na Alnajma Al Satee For Recruitment.
Personal akong nanawagan kay Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration na silipin ang kasong ito at bigyan ng kaukulang aksyon ang ahensyang sinusumbong na nagpabaya at nagkibit- balikat lamang sa sumbong ni OFW Jasmine Remetrio.
Samantala, ay aking ipinangako kay G. Diomedes Remetrio na sila ay aking tutulungan upang mapadali ang pagpa-release ng kanyang OWWA Death benefits at pati na rin ang scholarship para sa kanilang anak.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.
200
