8 NADAGDAG SA COVID DEATHS SA CAMANAVA

MAKARAAN ang ilang araw na walang namatay dahil sa COVID-19, apat ang binawian ng buhay dahil sa nasabing sakit sa lungsod ng Navotas noong Lunes, ayon kay Mayor Toby Tiangco.

“Nadagdagan ng 33 ang positibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Dalawa sa kanila ay pumanaw na. Dalawa rin ang namatay sa mga dating pasyente.    Samantala, 107 naman ang naka-recover at kapiling na ng kanilang mga pamilya,” ani Tiangco.

Hanggang alas-8:30 ng gabi noong ng Agosto 24, umabot na sa 4,125 ang tinamaan ng COVID sa Navotas.  Sa bilang na ito ay 3,352 o 81% ang gumaling habang 654 o 16% ang active cases, at 119 o 3% ang sumakabilang-buhay.

Ayon pa kay Tiangco, hinihiling ng business sector sa IATF na ibalik na sa 100% ang bilang ng payagang mga manggagawa sa ilalim ng general community quarantine at ayon umano sa mga ito ay kailangan nang ibalik sa normal na operasyon ang mga negosyo at pagawaan upang makabangon ang ekonomiya.

“Lahat tayo ay gusto nang makabalik sa normal na buhay. Sa palagian po natin pagsunod sa mga safety protocol, may maliit ngunit mahalagang ambag na tayo para malagpasan ng ating bansa ang problema sa COVID-19.  Kung lahat tayo ay susunod sa mga patakaran, malilimitahan na ang pagkalat ng sakit, at maaari nang manumbalik ang sigla ng ating kabuhayan at ekonomiya,” aniya Tiangco.

Noon ding Lunes, tatlo ang namatay dahil sa COVID 19 sa Malabon City kaya’t umakyat na sa 143 ang namatay sa lungsod dahil sa pandemya.

Ayon sa City Health Department, ang mga nalagutan ng hininga ay buhat sa Barangay Panghulo (1), San Agustin (1) at Santulan (1).

Bukod dito, 104 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 3,428 ang positive cases, 745 dito ang active.

Sa kabilang banda, 101 ang mga pasyenteng gumaling. Sa kabuuan ay 2,540 ang recovered patients ng siyudad.

Samantala, isa ang patay sa Caloocan City dahil sa pandemya, ayon kay Mayor Oscar Malapitan.

Ani Malapitan, hanggang alas-7: ng gabi noong Agosto 24 ay 4,311 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Caloocan. Gumaling na ang 1976 sa mga ito habang 159 na ang namatay.

Sa kabilang dako, umabot na sa 3,665 ang COVID-19 cases sa Valenzuela City, ayon sa City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).

Dagdag ng CESU, hanggang 11:53 ng gabi noong Agosto 24 ay 2,670 na ang nakarekober na mga pasyente sa lungsod habang 880 ang active cases at 115 na ang namatay. (ALAIN AJERO)

135

Related posts

Leave a Comment