KUDETA ang panawagan ng mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte para itayo ang “revolutionary government’ (revgov).
Sa ganitong batayan, nanawagan ang tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM) na si Wilson Fortaleza, na kung mayroong “dahilan” upang arestuhin ang mga namumuno, o parte ng revgov ay dapat talaga silang hulihin.
Kamakailan, nakarating sa media na ang Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ay nagpulong tungkol sa pagtatayo ng revgov.
Plano ng MRRD-NECC na maging “caretaker government” ang revgov kung saan si Duterte rin umano ang pangulo ng bansa.
Ayon sa impormasyon ng Saksi Ngayon, sa Enero ng susunod na taon itatayo ang revgov na tatagal hanggang matapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022.
Inilabas ng Saksi Ngayon nitong Agosto 24 ang nakuha nitong impormasyon na “aktibong senador” ang “utak,” o “pasimuno ng revgov.
Sabi pa, ang senador na kakampi at kaalyado ni Duterte ang totoong “pinuno” ng revgov o caretaker government. Palamuti na lang umano si Duterte.
Kung sisipating mabuti, “federal-parliamentary” ang porma ng pamahalaan ng revgov na ito.
Ang federal-parliamentary ay isa sa mga mukha ng federalismo.
Ang senador na sinasabing totoong makikinabang sa revgov ay nasabi na rin minsan ni Duterte na “interesado” na maging pangulo ng bansa.
Ang mga napababalitang tatakbo sa pagkapangulo sa eleksyong 2022 sa kampo ng administrasyon ay si Davao City Sara Duterte-Carpio, o kaya si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Bukod kay Go, ang iba pang senador na napapabalitang puntirya ang posisyon ng pangulo sa 2022 ay sina Senador Panfilo Lacson, Emmanuel Pacquiao, at Cynthia Villar.
Nitong Linggo, lantarang nanawagan ang MRRD-NECC sa publiko na suportahan ang revgov.
Ang kaso ng revgov ay inihambing ni Fortaleza sa ginagawang panghuhuli ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa mga batayang sektor ng bansa.
“Ang tanong ko lang naman ay bakit ang mga tsuper ay naaresto sa protestang humihingi ng ayuda, bakit ito nagpaplano ng revgov, PNP chief pa ang bisita?,” wika ni Fortaleza.
Sabi ni Brig. Gen. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, mino-mitor ng pambansang pulisya ang ginagawa ng MRRD-NECC.
Huhulihin ng PNP ang mga lalahok sa pagkilos ng MRRD-NECC kung labagin na nila ang batas, pagtitiyak ni Banac. (NELSON S. BADILLA)
116
