IPINAKULONG sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos baguhin ang desisyon ng Court of Appeals na tatlong buwang suspensyon sa accreditation ng Perpetual Succor.
Sa mosyon ni Dasmariñas Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga na sinegundahan ni Deputy Speaker Dan Fernandez, inaprubahan ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, para makulong sa Kamara si PhilHealth senior manager for the internal legal department Rogelio Pocallan Jr.
Mananatili sa kustodiya ng House Sgt-at-arms si Pocallan hanggang sa Lunes.
“Parang naglolokohan na lamang tayo dito, Im sorry. I move to be cited for contempt,” ani Barzaga matapos hindi makakuha ng diretsong sagot kay Pocallan hinggil sa PhilHealth Board Resolution No. 2234 series of 2017,” na nagpagaan sa parusang ipinataw ng CA sa Perpetual Succor Hospital.
Agad kinuha ng mga security personnel ng Kamara si Pocallan palabas sa plenaryo para ikulong sa hindi na binanggit na lugar sa Batasan Pambansa.
Sa interpelasyon ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta, nabuko na si Pocallan ang gumawa ng polisiya para baguhin ang 3 buwang suspensyon sa accreditation ng nasabing pagamutan na pinagtibay ng CA.
Dahil dito, hindi naipatupad ang desisyon ng CA at sa halip ay pinagmulta na lamang ang nasabing pagamutan.
“Thirty million ang kine-claim ng Perpetual Succor kada buwan so P90 million ang mawawala sa kanila [sa tatlong buwang suspensyon] so gumawa ka ng policy ngayon, ikaw ang gumawa ng legal opinion na puwedeng palitan kahit yung decision, upheld na ng court and final and executory,” ani Marcoleta.
Dahil paligoy-ligoy si Pocallan ay sinalo ito ni Barzaga subalit tila pinaninindigan ng opisyal ang kanyang ginawang legal opinion kaya ipina-contempt na niya ito. (BERNARD TAGUINOD)
159 